Muling umapela ng katarungan KAMAG-ANAK NG EJK VICTIMS UMAASANG MADARAGDAGAN PA ANG DADAMPUTIN NG ICC

EMOSYUNAL na nagtipon ang mga pamilya ng 18 biktima ng extrajudicial killings (EJKs) para sa kanilang inurnment sa Dambana ng Paghilom sa La Loma Cemetery sa Caloocan City.

Nagsilbi ang seremonya bilang pagkakataon ng pagluluksa at muling pagtawag para sa katarungan, kasunod ng pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay sa dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang naghihintay ng paglilitis sa The Hague, Netherlands.

“Matatanggap na ng anak ko ang hustisya niya. Hindi lang sa anak ko, kundi sa iba niyang pinagpapatay na tao,” pahayag ni Crispin Cena, na ang anak ay napatay sa madugong kampanya laban sa droga ni Duterte.

“Ang gusto ko mangyari rin sa kanya ang ginawa niya sa anak ko. Marami siyang pinapatay,” dagdag ni Gloria de Jesus.

“Kulang pa rin ang buhay niya para sa amin, kasi sa dami namin. Katulad ng asawa ko, di naman adik. Di naman addict lahat iyan,” wika naman ni Maria Tion.

Bagamat aminado ang mga kamag-anak na matagal pa ang proseso ng paglilitis, naniniwala sila na isang malaking hakbang ang pag-aresto kay Duterte para sa pagkamit ng katarungan para sa kanilang mga mahal sa buhay. Inaasahan din nilang maaaresto ang iba pang may kinalaman sa EJKs.

Kasunod ng pag-aresto kay Duterte, napaulat na posibleng sunod na huhulihin ng ICC sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at ang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Oscar Albayalde.

Bago naging senador, nagsilbi si Dela Rosa bilang unang PNP chief ni Duterte at naging pangunahing tagapagpatupad ng Oplan Double Barrel at Oplan Tokhang, bahagi ng kampanya ni Duterte laban sa iligal na droga.

Minsan ding ipinagtanggol ni Dela Rosa ang giyera kontra droga ni Duterte, at nagsabi pa ng “shit happens” nang tanungin tungkol sa pagkamatay ng isang tatlong taong gulang na batang babae sa isang operasyon kontra droga.

Dahil siya ang posibleng sunod na arestuhin, sinabi ni Dela Rosa na maghahanap siya ng pansamantalang proteksyon mula sa Senado sakaling maglabas ng warrant of arrest ang ICC laban sa kanya.

“Hangga’t kaya nga niya, hangga’t kaya ng Senate president na kupkupin niya muna ko. Hindi niya muna ako i-surrender kung may warrant of arrest, kung may session kami. I hope respetuhin din siya ng executive branch of government kasi mayroon naman ‘yan ang ganoon protocol,” pahayag ni Dela Rosa.

3

Related posts

Leave a Comment