PAGMUMULTAHIN o gagawa ng community service ang mahuhuling nagtatapon ng basura sa estero, ilog at kanal na itinuturong dahilan kung bakit nagbabara ang mga pumping station sa Kalakhang Maynila.
Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chair Benhur Abalos, kung ang MMDA lamang ang masusunod ay ang kanyang mga nabanggit na kaparusahan ang nababagay sa isang taong walang disiplina sa pagtatapon ng basura.
Iyon nga lamang, nais niyang magkaroon ng iisang patakaran ang lahat ng siyudad at bayan sa Kalakhang Maynila na magtatakda ng parusa sa mga walang disiplina.
‘Kung mahuhuli kang nagtatapon.. sige magwalis ka diyan kahit isang oras, linisin mo lahat o kaya ikaw ang maghango ng basura sa dagat.. sa river para maranasan mo naman kung paano maglinis ng ano,” ayon kay Abalos.
Naisip na solusyon ng MMDA ay gumamit ng trash boom na magsisilbing pangharang sa mga basura para hindi na umabot pa sa pumping stations.
Kamakailan ay naglatag ng trash boom ang MMDA sa Estero de Tripa de Gallina, sa Pasay City.
Samantala, tinatayang 32 tonelada ng basura ang nakukuha sa mga pumping station kada taon. (CHRISTIAN DALE)
502
