PUNA ni JOEL AMONGO
NAPADPAD na at umabot sa ilang lugar sa Batangas ang langis na tumagas mula sa lumubog na barkong Mt. Princess Empress sa karagatan ng Oriental Mindoro kamakailan.
Libu-libong mangingisda at mga manggagawa sa resort mula sa Mindoro, Batangas at iba pang mga lugar ang apektado sa trahedyang ito na kinasangkutan ng Mt. Princess Empress.
Bukod sa naapektuhang mangingisda at mga manggagawa sa resort sa nabanggit na mga lugar ay gagastos din siyempre ang gobyerno sa pagtulong sa paglilinis ng langis sa karagatan.
Sabihin na nating aksidente ang nangyari sa paglubog ng barko, pero hindi pa rin dapat palagpasin ang mga nagpabaya sa Mt. Princess Empress na pagmamay-ari ng RDC Reield Marine Services,
maging sa panig ng Maritime Industry Authority (MARINA) at Philippine Coast Guard (PCG).
Nauna na nating isinulat sa pahinang ito ang bawat papel ng MARINA at PCG bago pa man payagan na maglayag sa karagatan ang bawat sasakyang pandagat sa bansa.
Ayon sa nakausap natin mula sa International Maritime Professional & Industry Expert sa una nating isinulat dito, ay walang problema kung luma man, muling inayos at pininturahan ang barko basta’t pumasa ito sa panuntunan ng pagbabarko.
Bagama’t hindi tayo eksperto sa weather ay wala naman tayong nabalitaan na may namuong sama ng panahon o bagyo na naging dahilan ng paglubog ng barko.
Binanggit din ng dating seaman na nagtataka siya na hanggang ngayon ay mukhang napakalaki pa rin ang kakulangan ng PCG pagdating sa pagkakaroon nila ng mahahalagang mga kagamitan katulad ng oil spill containment boom na sana agad nilang nai-deploy sa simula pa lamang ng pagtagas ng langis sa dagat para hindi na ito kumalat.
“Masakit na malaman na kinakailangan pa ng gobyerno natin na manghiram ng ROV sa Japan para matukoy ang lokasyon ng barko at ang pinanggagalingan ng tagas ng langis,” ayon sa Int’l Maritime Professional & Industry Expert na Pilipino na dating seaman.
“Sa usapin naman ng navigational route na tinahak o tatahakin ng isang pribadong barko, naniniwala ako na wala pa ring pamantayan ang PCG o MARINA kung anong route ang pinapayagan nila o hindi,” dagdag pa niya.
Ganun, ibig sabihin kulelat na naman ang Pilipinas pagdating sa pagprotekta ng mga barko na naglalayag sa ating mga karagatan? Ay naku lagi na lang ganyan!
“At pati yata ang Traffic Separation Scheme o Traffic Separation Zone na nakasaad sa pamantayan ng COLREG (Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea) ay walang presensiya sa mga karapat-dapat na karagatan dito sa bansa,” pahayag pa niya.
Malinaw na kung sino ang dapat managot sa paglubog ng Mt. Princess Empress, tiyakin na lang ng gobyerno na maparusahan at pagbayarin sila ng multa.
Kawawa ang mga residente na naapektuhan ang kanilang kabuhayan ng paglubog ng nabanggit na barko dahil lamang sa kapabayaan ng iilan.
oOo
Para sa suhestiyon at sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
