MURDER SUSPECT LAGLAG SA PNP-PRO5

NADAKIP ang isang riding in tandem gunman sa ikinasang law enforcement operation ng mga tauhan ni PNP-Regional Office 5 Director Jonnel C. Estomo sa lalawigan ng Masbate noong Miyerkoles, ayon sa ulat ng pulisya.

Kinilala ni P/BGen. Estomo ang nadakip na si Jose Bilbao Jr. y Vasquez, 36-anyos, walang asawa, laborer, at residente ng Brgy. Matiporon, Milagros, Masbate.

Ayon kay P/Major Malou Calubaquib, tagapagsalita ng PNP-PRO5, si Bilbao ang umano’y gunman sa riding in tandem slaying case sa probinsya ng Masbate na ikinamatay ng isang lalaki.

Nadakip ng mga kagawad ng Masbate Police Provincial Office si Bilbao sa bisa ng warrant of arrest na ibinaba ng RTC Branch 44, Masbate City noong Agosto 4, 2021, para sa kasong murder.

Si Bilbao at ang kasama nito na pinaghahanap pa ng mga awtoridad, ay itinuturong mga suspek sa pamamaril kay Ronald Sagucio noong Marso 19, 2021 sa Sitio Bacolod, Milagros Masbate.

Ayon sa datos mula sa Masbate PPO, ang biktima ay galing sa sabungan at nang sasakay na sa kanyang sasakyan bigla na lamang sumulpot ang riding in tandem sa kanyang likuran at siya ay pinaulanan ng bala. (JESSE KABEL)

374

Related posts

Leave a Comment