Naaktuhang kaulayaw ng kalaguyo BABAE PATAY SA SAKSAK NG LIVE-IN PARTNER

CAVITE – Patay ang isang 22-anyos na babae nang umano’y aksidenteng masaksak ng kanyang live-in partner imbes na ang kalaguyo nito matapos silang maaktuhang magkaulayaw sa Dasmariñas City noong Linggo ng madaling araw.

Mismong ang live-in partner pa ang nagdala sa biktima na si alyas “Marivic” sa Medical Center Imus ngunit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas.

Pinaghahanap naman ang suspek at live-in partner ng biktima na si alyas “Joseph”, 26, isang construction worker.

Ayon sa ulat, bandang alas-3:00 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa loob ng construction site sa Aguinaldo Highway, Brgy. Salitran 2, Dasmariñas City.

Hinahanap umano ng suspek ang biktima na stay-in din sa site, nang makita nito ang tsinelas ng huli sa labas ng isang kuwarto sa barracks.

Nang buksan nito ang kurtina, naaktuhan nito ang kanyang live-in partner na kaulayaw umano ang isa ring construction worker na si alyas “Ryan”.

Bunsod nito, binunot ng suspek ang kutsilyo sa kanyang tagiliran at pinagsasaksak si Ryan ngunit ang kanyang live-in partner ang tinamaan.

Agad isinugod ng suspek ang biktima sa ospital at pagkaraan ay mabilis na tumakas. (SIGFRED ADSUARA)

68

Related posts

Leave a Comment