NAKATAKDANG i-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang 29 dayuhang POGO workers na naaresto sa Cavite matapos maaktuhang nag-ooperate ng illegal online gaming facility.
Ginawa ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang anunsyo matapos maaresto ang mga dayuhan makaraang salakayin noong Miyerkoles ang private resort and events place sa Silang, Cavite.
Sa nasabing operasyon, katuwang ng mga tauhan ng BI’s Fugitive Search Unit (FSU), ang Anti-Terrorist Group (ATG), Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), at Criminal Investigation and Detection group (CIDG).
Sinabi ni Viado, inatasan na ang mga prosecutor mula sa BI Legal Division na magtungo sa CIDG at magsagawa ng preliminary investigation sa mga dayuhan na binubuo ng 23 Chinese at 6 Myanmar nationals.
Ayon kay Viado, naabutan ng team ang illegal POGO workers nang ikasa ang operasyon upang hulihin ang isang Chinese fugitive na hinihinalang nagtatago sa resort ngunit wala ang dayuhan nang isagawa ang pagsalakay sa lugar.
Ayon pa sa BI, naaktuhan ang mga dayuhan na nagtatrabaho sa kanilang
PC workstations na ginagamit sa kanilang online gaming operations.
Idinagdag pa ni Viado, inihahanda rin ang paghahain ng kaso laban sa mga nangungupahan sa resort dahil sa pag-arbor sa illegal aliens.
“If during our investigation, we discover that they have knowingly harbored these illegal workers, then they will face cases for violation of the Philippine Immigration Law,” ayon pa kay Viado. (JOCELYN DOMENDEN)
1