MAHIGIT 1,200 batang may kapansanan, kabilang na ang may autism at cerebral palsy ang natulungan ng Project TEACH (Therapy, Education, and Assimilation of Children with Handicap), isang programang inisyatibo ni dating Mandaluyong mayor at senatorial candidate Benhur Abalos, Jr., na kinilala ng United Nations Public Service Award (UNPSA) sa Medellin, Colombia.
“Ang Project TEACH po ay nagbibigay ng libreng intervention, edukasyon at kasanayan sa mga batang may kapansanan mula sa mga pamilya sa lungsod na walang kakayahang pinansyal,” ani Abalos.
Tinuturuan din ng mga eksperto ang mga magulang ng tamang pagpapakita ng pagmamalasakit at pagkilala sa mga pangangailangan ng mga bata at ng kanilang karapatan.
Sa pamamagitan ng programang ito, nabibigyang-pansin ang mga pangangailangan ng mga batang may kapansanan sa larangan ng therapy at edukasyon, pati na rin ang suporta para sa kanilang mga pamilya.
Ayon sa pinakabagong pag-aaral ng United Nations Children’s Fund (UNICEF, 2022), tinatayang mayroong humigit-kumulang 1.6 milyong batang Pilipino na may kapansanan.
Idinagdag pa ni Abalos na ayon sa pag-aaral ng UNICEF, ang mga pamilyang may mga anak na may kapansanan ay may antas ng kahirapan na 50% na mas mataas kumpara sa ibang mga pamilyang may mga anak.
Aniya, pangarap rin niyang gawing modelo ng isang pambansang proyekto ang Project TEACH upang mas marami pang kabataang may espesyal na pangangailangan ang kanyang matulungan at makapaghatid ng panibagong pag-asa at mabuting hinaharap sakaling mabigyan ng pagkakataong makapaglingkod sa Senado.
Bukod sa pagkilalang ipinagkaloob ng UN, nakamit ng Project TEACH ang maraming pagkilala, kabilang ang ikalawang pwesto sa Rehiyon ng Asia Pacific para sa kategoryang ‘Pagpapabuti ng Serbisyo Publiko,’ Galing Pook Awards, at ang People Program of the Year Award mula sa People Management Association of the Philippines.
Isa sa mga pangunahing hamon na hinarap ng programa ay ang pagsasama ng mga may kapansanang mag-aaral sa regular na paaralan. Gayunpaman, sa paglipas ng mga taon, nakamit ng Project TEACH ang makabuluhang progreso sa mainstreaming, kung saan mahigit 900 mag-aaral ang naisama sa regular na paaralan.
Bilang pagpapalawak ng programa, ibinilang na rin sa Project TEACH ang mga Day Care Center na naging isang malaking tagumpay sa tulong ng National Council for Disability Affairs (NCDA). Nabigyan ng espesyal na pagsasanay ang mga day care workers sa pagtukoy at pagtugon sa pangangailangan ng mga batang may kapansanan.
“Ang pagbibigay ng kakayahan sa mga daycare center workers upang tugunan at tulungan ang mga pangangailangan ng mga batang may espesyal na pangangailangan ay isang malaking hakbang sa ating layunin na masiguro na ang mga batang ito ay mabibigyan ng serbisyong kinakailangan nila upang maging handa sa pagharap sa hamon ng buhay tulad ng mga karaniwang mga bata,” ayon kay Abalos.
