ISA sa ipinangako ng administrasyong Duterte noong maupo ito ay ipagbawal nang tuluyan ang pagpapautang na karaniwang trabaho o hanapbuhay ng Indian nationals sa ating bansa.
Halos lahat ng sulok ng bansa, may mga Bombay na nagpapa-5-6 na sobra daw ang tubo kaya pinagdiskitahan ang mga ito ni Pangulong Rodrigo Duterte pero hindi sila nalansag.
Hindi natin alam kung bakit nagpatuloy ang pagpapa-5-6 nila pero hindi lang mga Bombay ang nagpapautang. Ginaya na rin sila ng Pinoy na may konting puhunan na kinakapitan ng mga nagigipit sa buhay.
Bilang solusyon daw ng gobyerno noon para hindi na kumapit sa 5-6 ay ang estado partikular na ang mga bangko na pag-aari ng gobyerno, ang magpapautang sa mga nangangailangan.
Isang pangako na hindi natupad dahil sino ba naman ang uutang sa bangko na kailangan ang collateral at hinahanapan ng napakaraming requirements ang mga uutang.
Ang mga hindi lang nahihirapang mangutang sa bangko ay ‘yung mga preferred client nila pero ‘yung mga ordinaryong kababayan natin ay pinapahirapan bago pautangin.
Kaya ang bagsak ng mga nagigipit sa buhay ay ‘yung mga Bombay at ‘yung ilang Pinoy na walang requirement na hinahanap at mabilis pa nila nakukuha ang kanilang inuutang.
Noong panahon ng pandemya, marami akong kakilala na napilitang mangutang sa mga kaanak na nakakaalwan sa buhay pero dahil 2 taon nameste ang COVID-19 ay hindi sapat ‘yung mga inutang nila kay pinsan kaya para makaraos, nangutang din sila sa mga nagpapa-5-6.
Nabaon sila sa utang na hanggang ngayon ay hindi pa nakakabayad at ngayon, mukhang lalo silang mababaon sa utang dahil sa krisis sa langis na lahat ay apektado.
Tumataas ang presyo ng mga bilihin at hindi pa regular ang kanilang trabaho, kung regular man, hindi pa rin ibinabalik ang dati nilang sahod ng kanilang mga employer dahil nasa gitna pa rin ng pandemya ang bansa.
Marami akong kilalang mga magsasaka na kulang na ang kanilang budget sa krudo na kailangan nila sa pagsasaka dahil hindi naman regular ang daloy ng tubig sa kanilang irrigation.
Kaya naghahanap sila ng nagpapautang para punan ang kanilang budget sa krudo. Dahil sa pagtaas ng presyo ng langis, hindi pa sila nakakapagsimula sa pagtatanim, baon na sila sa utang.
May mga tindera din sa palengke ang napilitang tumawag na kay Bombay para pautangin sila dahil tumaas ang presyo ng mga paninda na hinahango nila sa kanilang mga supplier.
Hindi naman sila bibigyan ng paninda kung hindi sila magbabayad ng cash at dahil limitado ang kanilang puhunan, nagpapasaklolo sila kay Bombay o kaya dun sa kanilang kababayan na nagpapautang.
Kahit bigyan ng ayuda ang mga ito, hindi sapat ‘yun dahil hindi natin alam kung kailan babalik sa normal ang presyo ng langis sa world market kaya mangungutang at mangungutang pa rin sila.
