KAILANGANG ibalik sa dating sistema na hindi sapilitan kundi boluntaryo ang pagbabayad ng mga Overseas Filipino Worker (OFWs) sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito ang iginiit ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor dahil hindi umano makatarungan sa mga tinaguriang bagong bayani na ibaon ang mga ito sa utang sa PhilHealth.
“Dapat ibalik sa voluntary contribution ang ating mga OFW sa pagbayad sa PhilHealth. Unfair na sila ay nagbabayad ng parehong employer at employee contribution,” ani Defensor.
Ang isyu sa OFW ang isa sa mga dahilan ng kaguluhan sa PhilHealth at kung bakit nag-resign ang dating anti-fraud chief ng ahensya na si Atty. Thorrsson Montes Keith.
Ayon kay Defensor, hindi makatarungan ang sapilitang paniningil ng PhilHealth ng kontribusyon sa mga OFW na hanggang dalawang taon na wala sa Pilipinas kaya nababaon ang mga ito sa utang sa nasabing ahensya.
“Pag hindi makapagbayad ay may penalty na 3% kada buwan bukod sa principal na kanilang kailangang bayaran. Ang mabigat ay pag hindi nakapagbayad ay hindi sila makakakuha ng Overseas
Employment Clearance na kailangan sa kanilang pag-alis,” ani Defensor.
Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik sa voluntary status subalit hindi umano ito sinunod ng PhilHealth, base sa pahayag ni Atty. Keith sa House committee on public account na nag-imbestiga sa anomalya sa PhilHealth.
Samantala, bubusugin sa pinansyal na aspeto ang mga whistleblower upang mas mapalakas ang kampanya laban sa mga katiwalian sa pamahalaan katulad ng nangyayari ngayon sa PhilHealth.
Gayunpaman, ihahawla naman ng anim na taon ang mga sinungaling at aatras o babawi sa kanilang ibinunyag na katiwalian.
Ito ang nakasaad sa House Bill (HB) 4387 o An Act providing for protection, security benefit of whistleblower na inakda ng mga miyembro ng Makabayan bloc sa mababang kapulungan.
Base sa nasabing panukala, lahat ng whistleblower o magbubunyag ng katiwalian ay bibigyan ng P200,000 sa sandaling matanggap na ito sa Witness Protection Program (WPP), karagdagang
P100,000 sa sandaling maisampa na ang kaso sa Office of the Ombudsman at P100,000 kapag nakumpleto na ang testimonya nito sa korte.
Kapag nanalo ang estado sa kaso, ibibigay sa whistleblower ang 10% sa anomang marerekober na yaman ng taong inireklamo ng katiwalian bilang kanyang final reward.
Subalit mahaharap naman sa anim na taong pagkakabilanggo ang whistleblower na babawi sa kanyang testimonya o aatras sa sinimulang laban. (BERNARD TAGUINOD)
