QUEZON – Nasawi ang isang 88-anyos na lola matapos mabagsakan ng bunga ng niyog sa Barangay Villa Belen, sa bayan ng Quezon sa lalawigan noong Huwebes, Setyembre 18.
Kinilala ang biktimang si Andrea, isang biyuda at residente ng naturang barangay.
Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente dakong alas-9:00 ng umaga habang nag-aalis ng damo ang biktima sa kanyang bakuran sa Sitio Paraiso.
Bigla na lang siyang nahagip ng nahulog na bunga ng niyog na tumama sa kanyang ulo at mukha. Agad itong binawian ng buhay dahil sa tindi ng pinsala.
Ayon sa mga awtoridad, may kalakasan ang hangin bunsod ng dumaang sama ng panahon nang mangyari ang insidente.
(NILOU DEL CARMEN)
