NAG-AAPLAY NA SUNDALO HINIHIRITAN NG P4,500 ARMY COLONEL HULI SA EXTORTION

DINAKIP sa entrapment operation ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-BARMM) ang isang senior military officer ng Armed Forces of the Philippines sa lalawigan ng Maguindanao.

Inaresto si Lt. Col. Samsudin Pulua, nakatalaga sa Civil Military Operation (CMO) ng 6th Infantry (Kampilan) Division Philippine Army dahil sa reklamong extortion.

Ayon kay CIDG-BARMM regional director Col. James Gulmatico, nakatangap sila ng sumbong hinggil sa extortion activities umano ni Pulua sa mga nag-aaplay para pumasok na sundalo.

Bunsod nito, isang dragnet operation ang inilatag ng CIDG-BARMM at dinakip ang opisyal habang tumatanggap ng pera malapit sa kanilang kampo sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.

Narekober sa pag-iingat ng suspek ang isang P500 bill at ang boodle money na abot sa P4,500.

Sinabi naman ni Western Mindanao Command spokesman Major Arvin Encinas, bagamat nalulungkot sila sa pagkakasangkot ng isang opisyal ng militar pero patunay lamang aniya ito na walang pinipili ang batas.
Kasalukuyang nakadetini sa custodial facility ng CIDG-BARMM ang suspek habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.

Nauna rito, dinakip din sa reklamong extortion ang bagong hepe ng Bacolod City Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Isinailalim din sa entrapment operation si Police Major Melvin Madrona dahil umano sa pangingikil nito sa loob ng sabungan sa Purok Guanzon, Barangay Mansilingan, lungsod ng Bacolod.

Napag-alamang mahigit isang buwan pa lang bilang pinuno ng PNP-CIDG-Bacolod si  Madrona. JESSE KABEL

205

Related posts

Leave a Comment