ITO ANG TOTOO Ni VIC V. VIZCOCHO, JR.
HINDI nagtatapos ang pagmamay-ari ng sasakyan sa pagmamantine at alaga nito.
Ito Ang Totoo: napakalawak at walang katapusan ang lansangan, mapa-konkreto, aspalto, graba o lupa-lupa lang, basta madadaanan.
Kaya naman ang responsibilidad at obligasyon, kapwa sa sarili at ibang tao, ay talagang seryoso.
Sa aspeto ng kaligtasan, dapat tinitiyak na nasa kondisyon ang sasakyan, ang sarili at umaakma sa kalagayan ng lansangan at panahon.
Kapag wala sa kondisyon ang sasakyan o ang nagmamaneho kasama na ang kakulangan ng konsiderasyon sa kalagayan ng panahon, delikado sa disgrasya.
Ito Ang Totoo: may mga disgrasyang ang dahilan ay gawa ng iba, merong hindi sinasadya at meron ding sadya, iyon bang modus o iskam.
Ang hindi sadya, wala tayong magagawa basta sa simula’t sapul ay pinairal naman ang kaukulang pag-iingat.
Ang sinasadyang “aksidente” ay iyong ginagawa para mapakinabangan, halimbawa ay manakawan o manghuthot ng pera sa magigipit nila.
Ito Ang Totoo: may nag-viral sa social media kung saan may nagpanggap na taho vendor na nagkunwaring nasagi ng isang sasakyan.
Sumemplang at nagpagulong-gulong pa habang nasaboy sa daan ang taho na kunwari ay ibinibenta.
Parang kawawang biktima ang mama pero mabuti na lang may CCTV sa lugar na nakapag-record ng insidente at nabisto ang manloloko.
Ito Ang Totoo: viral din sa social media nitong mga huling araw ang insidenteng kinasasangkutan ng isang sekyu sa Metro-Manila, iniwan kasi ng nataranta raw na driver ang “biktima” na nagulungan pa.
Walang duda na mali ang ginawa niyang pag-iwan sa sekyu, dapat ay hinintuan at inalam ang kalagayan nito, nasaktan ba talaga o nag-drama lang.
Nakuha rin sa videocam ng isang sasakyan ang insidente kaya walang lusot ang sasakyang sangkot.
Ito Ang Totoo: halos walang pumapansin sa unang bahagi ng video ng masagi ng sasakyan ang sekyu na para bang hindi naman kalakasan pero ito ay tumumba at gumulong pa mismo sa may harapan.
Dahil nga nasa may harapan na para bang nanghaharang, ito ay nagulungan nang nagtangkang tumakas ang driver.
Dapat managot ang driver sa pag-iwan sa nabundol ng sasakyan, lalo na sa pagkakasagasa nito, sinadya man o hindi.
Pero sa interes ng katotohanan at katarungan, dapat ding tingnan kung ang sekyu ay nag-drama lang sa pagbagsak at paghiga sa harap ng sasakyan na para bang modus ng mga mandurugas sa lansangan.
Huwag naman “one-sided” at epal lang, lalo na ang mga pulitiko na pati ito ay sinasakyan para makapag-papogi sa taong-bayan. Ito Ang Totoo!
227 