PATAY ang isang 31-anyos na lalaki habang sugatan ang isang opisyal ng District Special Operation Unit ng Manila Police District sa inilatag na buy-bust operation sa Sta. Ana, Manila.
Kinilala ang napatay na suspek na si Jaworski Pajo, alyas “Jawo”, residente sa #1661 Crisolita St., Sta. Ana. Habang nakatakas naman ang kasama nito na kinilalang si alyas “Mark”.
Samantala, isinugod sa Sta. Ana Hospital si P/Capt. Jervies Soriano, 29-anyos, nakatalaga bilang hepe ng operations team ng DSOU, dahil sa tama ng bala sa kanang tuhod.
Batay sa ulat ni Det. Jansen Rey San Pedro ng MPD-Homicide Section, bandang alas-11:00 ng gabi noong Pebrero 12 nang ikasa ang gun buy-bust operation laban sa mga suspek sa isang eskinita ng Crisolita St., sakop ng Barangay 767, Zone 63, sa Sta. Ana.
Sa nasabing operasyon na pinamunuan ni P/Major Cicero Pura, nakabili ang umaktong poseur buyer na si P/Cpl. Jan Erwin Isaac, sa tulong ng isang confidential informant, ng isang baril mula sa suspek.
Ngunit nakahalata ang suspek na pulis ang katransaksyon kaya pinaputukan nito si P/Cpl. Isaac ngunit hindi tinamaan.
Habang pinaputukan naman ng suspek na si Mark ang back-up na mga operatiba.
Gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ni Jawo habang tinamaan ng bala sa kanang tuhod si Capt. Soriano.
Nakatakas naman sa gitna ng pakikipalitan ng putok si Mark.
Nakuha sa lugar ng insidente ang .38 kalibreng baril na Armscor na may kargang tatlong bala, tatlong basyo ng bala, tatlong maliit na sachet ng shabu at buy-bust money. (RENE CRISOSTOMO)
252 