INANUNSYO ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Brigadier General Danilo P. Macerin ang pagkakadakip sa isa sa dalawang natitira pang presong nakatakas mula sa Galas Police Station (PS-11) Detention Facility noong Enero 7, 2021.
Kinilala ni P/BGen. Macerin ang arestadong pugante na si Joel Sanchez, 38-anyos, residente sa #96 ROTC Hunters, Brgy. Tatalon, Quezon City.
Ayon sa report, ang PS-11 operatives ay nagsagawa ng sunod-sunod na intelligence driven operation at surveillance operations sa natitira pang dalawang presong tumakas mula sa Galas Police Station.
Dakong alas-2:30 ng hapon noong Pebrero 14, 2021 ay nadakip si Sanchez sa #51 Countryside St., Sta. Lucia, Pasig City, ng tracker team ng PS-11, sa pamumuno ni P/Lt. Col. Elizabeth D. Jasmin, sa tulong ng local authorities ng Pasig City.
Ang pugante ay nai-turned-over na sa Criminal Investigation Section (CIS), sa pamumuno ni P/Maj. Elmer Monsalve, para sa documentation and proper disposition.
Pinapurihan naman ni P/BGen. Macerin ang mga pulis sa matagumpay na pagkakadakip sa mga pugante.
“Kung matatandaan niyo po ay unang naaresto si Ronald Buenafe, ang isa sa mga nakatakas noong January 9, 2021, sa Purok 9, Area B, Brgy. Sta. Cruz, Sapang Palay, San Jose Del Monte City, Bulacan. At noong January 30, 2021, muling naaresto si Glenn Louie Limin, ang pangalawa sa mga nahuli, sa Las Palmas Subd., Brgy. Caypombo, Sta. Maria, Bulacan. At ngayon, ay isa na naman po ang nahuli sa Pasig City. Kaya naman ako po ay muling nananawagan sa publiko na may alam sa kinaroroonan ng isa pang natitirang nakatakas na nagngangalang Marvin Incio, na ipagbigay-alam kaagad sa amin o sa pinakamalapit na police station upang makipag-ugnayan para sa agarang aksiyon,” pahayag ni P/BGen. Macerin.
Samantala, arestado sa operasyon ng iba’t ibang istasyon ng Quezon City Police District (QCPD), ang sampu katao na sangkot sa ilegal na droga sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod na ito, noong Linggo.
Kinilala ni QCPD Director, Police Brigadier General Danilo P. Macerin ang tatlo sa mga nadakip na sina Arlene Buenaventura, 42; Serio Clemente, 21, at Robert Bryan Pascua, 22-anyos.
Ang tatlo ay nadakip noong Pebrero 14, sa Brgy. San Isidro Labrador, Quezon City at nakumpiskahan ng 65 gramo ng shabu na tinatayang P442,000 ang halaga, buy-bust money, isang celphone, isang Mitsubishi Expander (NDP 8559), motorsiklong Yamaha Mio (AA25216), at Keeway SIP125 (MV File No. 1801-0006971).
Nahuli sa isa pang buy-bust operation ng DDEU operatives si Roberto Jose Albuena, 21, at nakumpiskhan ng P34,000 halaga ng umano’y shabu at 50 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na P6,000 ang halaga.
Tiklo naman sa mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Anonas Police Station 9 sina John Micah Arcinas, 25, at Albert Pascual, 21-anyos.
Arestado rin sa PS-9 sina Mark Jason Lapez, 26; Lynda Hazel Babiera, 33, at John Carlo Ocupan, 28-anyos
Nadakip ng Station Drug Enforcement Units (SDEUs) ng Novaliches Police Station (PS-4) ang suspek na si Sosimo Goloso.
Hindi rin nakaligtas sa mga tauhan ng Project 6 Police Station (PS-5) sa buy-bust operation si Dennis Escalona, 44-anyos. (JOEL O. AMONGO)
285 