PITONG kababaihan ang binitbit ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-Special Task Force (NBI-STF) dahil sa hindi awtorisadong pagbebenta ng gamot ng gobyerno para sa mahihirap na pasyente sa ilalim ng Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP).
Kinilala ang mga suspek na sina Aliza Macalambos, Jen Tubongbanua, Ckaeita Selga, Maria Fe Nisnisan Quimno, Emilda Besmonte, Noehata Batua at Virginia Dela Cruz.
Batay sa ulat na nakarating kay NBI Director Eric Distor, nag-ugat ang operasyon matapos na magpadala ng liham ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI) para imbestigahan ang hindi awtorisadong pagbebenta ng mga gamot na nakalaan sa mahihirap na pasyente sa ilalim ng MAIP ng Department of Health (DOH).
Dahil ang NKTI ang nag implementing agency ng MAIP program, obligasyon nila na protektahan ang government resources laban sa mga mapagsamantalang indibidwal na pinagkakaitaan ng tulong para sa mga mahihirap.
Kaagad naman umaksiyon ang NBI sa kahilingan ng NKTI at nagsagawa ng surveillance at test buy operation noong Disyembre 7 laban sa mga indibiduwal na sangkot sa hindi awtorisadong pagbebenta ng gamot.
Kabilang sa ibinebentang mga gamot ay para sa kidney disease gaya ng Epoetin Alfa (Pronivel), Renvela, at iba pang gamot sa sakit na bato na nabili sa suspek na si Macalambos.
Sa planadong buy-bust operation, kinontak ng asset ng NBI ang suspek na si Macalambos para umorder ng Epokine, Renvela at iba pang gamot ginagamit ng mga pasyente sa kanilang dialysis.
Nagkasundo si Macalambos at ang asset na magkita sa isang lugar kung saan kasama nito si Tubongbanua at kalaunan ay dumating din sina Selga, Quimno, Besmonte, Batua at Dela Cruz.
Sa nangyaring transaksiyon, napansin ng mga nakaantabay na mga tauhan ng NBI na nagsi-share ng kanilang stocks na gamot ang mga suspek para matugunan ang order ng kanilang kustomer.
Nang makumpleto ang transaksiyon ay agad na inaresto ang mga suspek.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9711, kilala bilang FDA Act of 2009.
Samantala, sinertipikahan naman ng NKTI na ilan sa mga gamot na narekober ay bahagi ng inventory ng kanilang pharmacy na nagpapatunay na ang libreng gamot na ibinibigay sa mahihirap ng gobyerno ay ibinebenta sa labas ng nasabing ospital. (RENE CRISOSTOMO)
