“WE enjoin our people to boost the economy by travelling locally,” ‘yan ang mensahe ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang nakaraang State of the Nation Address (SONA) na sinusugan naman ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) sa kampanya nitong “spend, spend, spend” at panawagan na magkaroon ng “Buy Filipino” mindset.
Pero taliwas dito ang direksyon ng tinaguriang Quezon City pandemic mafia dahil ginawang “discriminatory” at “restrictive” ang makasasali sa bidding para sa supply ng electronic tablets o e-tablets na mistulang custom-made para paboran ang produktong banyaga at mangangalakal.
“May pandemya man o wala tila hindi natutulog ang mga korap at tiwaling opisyal sa Quezon City.”
Ganyan inilarawan ng bwisit na insider sa SAKSI Ngayon ang mga nagaganap na pagmaniobra sa mga proyektong may kinalaman sa krisis pangkalusugan at edukasyon dulot ng COVID-19 virus.
Ayon sa insider, marami na sa kanyang mga kasamahan ang may disgusto sa maling pamamaraang pinaiiral sa proseso ng bidding sa Quezon City.
Kabilang na rito ang napipintong bidding para sa supply ng e-tablets na gagamitin sa distance learning program ng Schools Division ng Department of Education (DepEd) at Office of the Mayor.
Diumano, ginawang custom made ng mga tiwaling opisyal ang specifications para paboran ang ilang suppliers at sadyang hindi pinasali ang ibang kwalipikado at local na kompanya na nag-aalok ng higit na mas maganda at mataas na kalidad ng e-tablet dahil lamang sa technicality.
Ayon sa source, brinaso umano ng pandemic mafia ang technical specifications ng proyekto para maging swak sa produkto ng ilang piling bidders at ma-eliminate ang iba kahit na higit na mas maganda ang e-tablet na alok ng mga ito sa lungsod. Isa pang dahilan ay hindi kayang lapitan ng pandemic mafia at hingan ng lagay o ‘tongpats’ ang ilang bidders sa dudang tiyak na makararating ito sa kaalaman ni Mayor Belmonte.
Nauna nang ibinunyag ng insider ang kwestyonableng kontrata para sa COVID-19 testing at ang pambubulag umano ng ilang tiwaling opisyal na pinagkatiwalaan ni Belmonte para sa isang maayos at malinis na implementasyon ng lahat ng proyektong may kinalaman sa pandemya kagaya ng sa kalusugan at edukasyon.
Naglabas ng revised bid bulletin ang bids and awards committee (BAC) kung saan binabaan ang ilang technical specifications bunsod na rin ng apela o pakiusap ng ilang kumpanya para hindi sila ma-disqualify kagaya na lang ng screen to body ratio na mula sa orihinal na 80% ay ibinaba sa 70%, battery life na 5100mAh ibinaba sa 4850 mAh na lamang at Bluetooth na mula 5.0 na ginawa na lamang 4.2.
Pinuna rin ng insider ang inilathalang terms of reference (TOR) sa Philippine Government Electronic Procurement System (Philgeps) kung saan “carbon copy at exact reproduction ng isang foreign brand ang inilagay, pati period at comma ay kinopya,” saad pa nito.
Kwestiyonable rin ang pagsingit sa requirement na dapat ang e-tablet ay globally established brand at ibinebenta sa hindi bababa sa 35 bansa sa mundo, bagay na naging bulong-bulungan ngayon sa loob ng BAC at pinapalagan ng ilang insider dahil hindi naman daw garantiya at nangangahulugan na ang produkto na naibebenta sa 35 bansa ay “of good quality”.
Napag-alaman ng SAKSI Ngayon na walang ganitong “restrictive, discriminatory at tila anti-Filipino” requirements ang iba pang mga lungsod sa National Capital Region (NCR) na kapwa naglunsad din ng kahalintulad na distance learning project dahil sa no physical o face-to-face classes bunsod ng COVID-19 virus.
Patuloy na nangangalap ng mga dokumento at pinaghahandaan ng insider ang pagdulog sa tanggapan ng Ombudsman para maghain ng reklamo laban sa mga kasamahan nilang tiwaling opisyal at umaasa na masusing susuriin ni Mayor Belmonte ang mga proyektong minamaniobra ng pandemic mafia bago pa man ito dumaan sa pinaglaruang proseso ng pre-qualification at bidding at sibakin ang mga ‘bumubulag’ sa kanya.
Sa panayam naman ng Saksi Ngayon kay Aly Medalla na pinuno ng QC Education Affairs, kinumpirma niyang siya ang in-charge sa mahigit 1.2 bilyong pisong proyekto ng lungsod para sa e-tablets.
Ayon sa opisyal, susundin nila ang rekomendasyon ng DepEd sa pagbili ng e-tablets.
“Kilalang branded tablets ang bibilhin ng Quezon City dahil iyon ang rekomendasyon sa amin ng DepEd,” ayon kay Medalla.
Tinatayang aabot daw sa kabuuang 176,000 piraso ang nakatakdang bilhin ng pamahalaang lungsod para maipamigay sa mga estudyanteng nasa senior at junior high school.
Nagpahayag pa ng pangamba si Medalla dahil maaaring kulangin ang 176,000 piraso ng e-tablets na bibilhin ng lungsod dahil ang naturang bilang ay kanila lang ibinase sa enrolled students noong 2019.
“Patuloy ang pagtaas ng bilang ng ating mga enrollees. Ang junior high school ay nasa 156,000 na at ang senior high naman ay mahigit 25,000 na ang bilang,” pahayag pa ni Medalla.
Dahil dito, ang 176,000 units anya ng e-tablets ay inisyal na order pa lamang ng Quezon City at madaragdagan pa depende sa mga estudyanteng mangangailangan.
Bukod dito, ipinagmalaki rin ng dating konsehala na nakatakda rin silang magbigay ng isang libong pisong allowance kada buwan sa mga guro at 150 pesos naman sa mga estudyante.
“Kailangan ng ating mga public school teachers at mga estudyante ng allowances para may magamit sila sa kanilang internet connections,” dagdag pa ni Medalla.
Dahil dito, maglalaan ang Quezon City ng kabuuang 158 million pesos kada buwan para matustusan ang ipinagmamalaking allowance na ito ng mga public school teacher at mga estudyante sa lungsod.
Ang 158M pesos na halaga buwan-buwan ay bukod pa sa mahigit 1.2 bilyon pisong pondo na ilalaan sa pagbili ng e-tablets.
Napag-alaman naman ng SAKSI Ngayon na ilang lungsod ang nakabili ng mas malaki at mataas na specs ng e-tablet sa kaparehong halaga. (MATEO MAGHIRANG II/ JOEL O. AMONGO)
