Pag-ibig masdan ang ginawa mo
LAOAG- Dahil hindi na nakayanan ang pag-iisa sa kanyang buhay, iang soltero ang tumapos sa kanyang buhay sa pamamagitan nang pagbibigti sa loob ng kanyang bahay sa lalawigan kahapon ng umaga.
Si Louie Salvador, 43, ng Barangay Vira, Laoag City, bagaman nagbigti ay natagpuan sa sahig malapit sa kanyang katre o kama.
Hinihinalang bumaba nang bumaba ang bangkay dahil na rin sa bigat nito kaya’t lumapat na sa sahig ng kanyang bahay.
Naniniwala naman ang mga miyembro ng pamilya ni Salvador na ito mismo ang kumitil sa kanyang buhay dahil sa kabiguang makapag-asawa.
Ayon sa isa sa mga kaanak ni Salvador, minsan na itong nagbitiw ng salita na magpapakamatay ito kapag nanawa na siya sa kanyang pag-iisa sa buhay. Annie Pineda
SAMANTALA, tanging mga katagang ‘Mahal kita Donna’ ang binigkas ng isang hindi pa nakikilalang lalaki na umano’y tumangging magpasaklolo sa isang security guard, habang nalulunod sa Manila Bay sa Pier 6 North Harbor sa Tondo ,Maynila.
Bunga nito, patay na nang ilutang ang biktima na inilarawan sa edad 35- 40; payat ; maputi at nakasuot ng t-shirt na puti at maong na pantalon.
Sinabi ni Det. Donald Panaligan, ng Manila Police District-Homicide Section, natagpuan ang biktima, sa breakwater ng Manila Bay sakop ng Barangay 105 Happy Land sa Pier 6.
Sinabi ng saksing si Melanio De Jesus , 51, guwardiya, huling nakitang buhay ang biktima ng bandang 8:00 ng gabi matapos nitong tumalon sa dagat.
Sa pag-aakalang naliligo lamang ang biktima, hindi kaagad ito pinansin ng guwardiya subalit nang sumigaw na ito nang ‘mahal kita Donna’ ay saka lang naisip ng saksi na sinadya nitong magpakalunod. Rene Crisostomo
