NANAWAGAN si Vice Governor Alex Castro ng Bulacan na dagdagan ang pagbabantay at seguridad laban sa fake news para matiyak ang kaligtasan at kapayapaan sa lalawigan.
Sa kanyang privilege speech sa Sangguniang Panlalawigan Session noong Pebrero 6, binigyang-diin ni Castro ang pangangailangan na palakasin ang pagpapatupad ng batas laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng takot at kaguluhan.
Hinimok niya ang publiko na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon, tinitiyak na tama, napatunayan, at hindi nakapanlilinlang.
Pinaalalahanan ng bise gobernador ang mga Bulakenyo tungkol sa kahalagahan ng pagiging responsable sa paggamit ng social media, lalo na sa pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa umano’y krimen sa Bulacan.
Napag-alaman na nitong nakaraang mga linggo, kumalat sa Facebook, Tiktok at iba pang social media platforms ang unverified crime reports kung saan ang isang post ay nagsasabing: “HINDI NA SAFE SA BULACAN”.
Ang mga post tungkol sa mga umano’y krimen sa iba’t ibang bayan kabilang ang San Miguel, Baliwag, Pulilan, San Jose Del Monte, at Marilao ay umani ng napakaraming reaksyon at pagbabahagi, na nagdulot ng takot at kaguluhan.
May mga post din tungkol sa umano’y puting van na umiikot sa probinsya para manguha ng mga bata.
Ayon kay Castro, ang isyu ay mas kumplikado dahil sa kawalan ng beripikasyon mula sa mga opisyal na ahensya ng gobyerno, na nagpapakita ng mga panganib sa pagpapakalat ng maling impormasyon dahil ang fake news ay maaaring magkaroon ng malubhang kahihinatnan, maaaring magdulot ng takot, galit, humantong sa pagkasira ng reputasyon ng mga indibidwal, komunidad at maging sa buong lalawigan ng Bulacan.
“Hindi lang ito simpleng isyu ng pagiging iresponsable sa social media. Ang pagpapakalat ng peke o maling impormasyon ay may legal na responsable sa ating mga batas,” ani Castro.
Sa ilalim ng Revised Penal Code of the Philippines (Article 154 – Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances), ipinagbabawal ang pagpapakalat ng maling balita na maaaring magdulot ng kaguluhan o takot sa publiko kung saan ang sinomang lalabag dito ay maaaring parusahan ng pagkakulong o multa.
Sa Cybercrime Prevention Act of 2012 (Republic Act No. 10175), ang pagpapakalat ng “false information” online ay maaaring ituring na isang cyber libel kung nakasisira ito sa reputasyon ng isang indibidwal o grupo.
Sa Special Laws on False Information (RA 10951 – Amendment to the Revised Penal Code), ang sinomang maglalathala ng maling balita na may layuning manlinlang sa publiko ay maaaring pagmultahin ng hanggang P200,000 o makulong ng hanggang 6 na buwan.
Hinikayat din ni Castro ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang Philippine National Police (PNP) na paigtingin ang kanilang kampanya laban sa disinformation at i-verify ang impormasyon upang maprotektahan ang seguridad ng mga Bulakenyo. (ELOISA SILVERIO)
2