(CHRISTIAN DALE)
HINILING ni Presidential spokesperson Harry Roque sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tulungan ang mga street children o mga batang hamog na nagsusulputan na naman sa mga kalye para mamalimos lalo pa’t papalapit na ang Christmas season sa bansa.
“We call on the DSWD to give attention to these children. Besides that it concerns the well being of the children, it is very important to look after them because of the lingering COVID-19 pandemic,” ayon kay Sec. Roque.
Ang mga batang hamog ay kadalasang nakikitang sumasabit sa mga jeepney para magkaroling sa mga pasahero o kaya naman ay nangangatok sa bintana ng mga sasakyan. Talamak din ang mga ito sa snatching at ibang pang itinuturing na petty crimes.
Samantala, ipinaubaya na ng Malakanyang sa publiko at may-ari ng business establishments ang “crowd prevention”.
Ito’y matapos na pagaanin ang COVID-19 restrictions sa gitna ng pandemya.
Ang pahayag na ito ni Presidential spokesperson Harry Roque ay makaraang dumagsa ang tao sa malls at iba pang public places sa first weekend na ang Metro Manila ay nasa ilalim ng Alert Level 2.
Sa ilalim ng Alert Level 2, ang mga menor de edad at chikiting at hindi bakunado, ay pinayagan lumabas ng bahay para makapaglibang. Iyon nga lamang dapat na ang kanilang guardians ay fully vaccinated.
“Nananawagan kami sa publiko, mall owners: binuksan natin mga malls sa kabataan para sa public health benefits ng kabataan at ekonomiya. Hindi dahilan ito para maging superspreader ang malling. Katungkulan niyo po ipatupad ang minimum health standards: mask, hugas, iwas, lalo na po ang iwas,” ayon kay Sec. Roque.
“Pag di kayo tumupad, tataas na naman kaso, isasarado na naman malls, marami na naman mawawalan ng hanapbuhay. Nasa kamay natin ang muling pagsipa ng kaso ng COVID-19. Nasa kamay natin ang patuloy na pagbubukas ng mga negosyo para maging dahilan na tayo’y magkaroon ng mas maraming hanapbuhay,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
214 