WAKE-UP call sa gobyernong Duterte ang pagsusulputan ng mga community pantry dahil kulang ang ayuda sa mga naghihikahos dulot ng kanilang kapalpakan sa pagtugon sa pandemya.
Ito ang tinuran ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas kaugnay sa mga community pantry na nagsimula sa Maginhawa St., Quezon City at sinundan sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Wake-up call ito sa Duterte administration para i-fast track ang P10,000 ayuda sa bawat pamilya. Hindi sapat ang P1,000,” ani Brosas.
Pinipilahan aniya ng mga tao ang mga community pantry dahil walang sapat na pera ang mga ito na pambili ng kanilang pagkain kahit namigay ng P1,000 ang gobyerno.
“Wala dapat community pantry pero dahil sa kapalpakan ng gobyerno kinailangang kumilos at mag-inisyatiba ang masang naghihikahos,” ayon pa sa militanteng mambabatas.
Sinabi ng mambabatas na trilyon-trilyong piso na ang inutang ng gobyerno mula noong nakaraang taon dahil sa pandemya kaya walang dahilan para pagdamutan ang mga tao.
Kailangang magamit aniya ang perang ito para bigyan ng ayuda ang mga tao na lalong naghihikahos dahil pumalpak ang gobyerno sa pagtugon sa pandemya na imbes humupa ay lalo pang lumala.
“#CommunityPantryPH is an act of #Resistance against government’s neglect and indifference,” ayon naman kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na pinuri ang mga nasa likod ng community pantry dahil malaking tulong ang naibibigay ng mga ito sa mga naghihirap na mamamayan.
Ayon sa mambabatas, protesta din umano ang pagkilos na ito ng mamamayan sa patuloy na pagbabalewala ng pamahalaan sa kalagayan ng mga tao at panawagang P10,000 ayuda sa bawat pamilya.
DESPERADO NA
Samantala, ikinatuwa ng mga senador ang bayanihan ng mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng bansa sa pagtatayo ng community pantries upang matulungan ang mga nangangailangan.
Ayon kina Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III, Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Senators Sherwin Gatchalian at Nancy Binay, malinaw na buhay pa rin ang bayanihan spirit sa mga Pinoy.
“Yes, this is the Bayanihan spirit of the Filipino in modern times!” saad ni Sotto.
“Community pantries is an expression of our Bayanihan spirit. We are a caring and sharing people. This will be very helpful in assisting families cope with COVID,” pahayag naman ni Recto.
“The community pantry is a symbol that ordinary Filipinos are ready and willing to help our needy kababayans. Ito ay ang pinakamagandang simbolo ng modern day bayanihan na lahat tayo ay may kakayahang tumulong,” giit naman ni Gatchalian.
“In addition, honesty system of the community pantry also shows discipline among those who are in need. Kumukuha lang ang tao ayon sa kanilang kailangan – walang labis na pagkuha ng pagkain o gamit,” dagdag pa ni Gatchalian.
“Nakakataba ng puso na makitang dumarami ang community pantries, at patunay lang na ang Bayanihan spirit is alive. Bilang mga Pilipino, we always have this unflinching desire to help whenever extraordinary circumstances call us to respond,” saad naman ni Binay.
“It shows that Filipinos are naturally generous, compassionate, and have the heart for service. And when things seem uncertain, and despairing–community pantries are a testament that hope is not lost. Sharing does not need to have any color or politics,” dagdag pa nito.
Samantala, bagama’t naniniwala sina Senators Grace Poe, Imee Marcos at Risa Hontiveros sa bayanihan, maituturing din anila itong senyales ng pagiging desperado.
“This is a sign that not all hope is lost. The good in our fellow countrymen is shown through these community pantries. However it’s a wake up call that government must do more to provide for the people,” pahayag ni Poe.
Iginiit naman ni Marcos na malinaw na kaya may pantries ay dahil hindi nakakukuha ng sapat na tulong mula sa gobyerno.
“Patunay lang na kaya nating Pilipinong tumayo sa sariling mga paa sa gitna ng pandemya, na kahit paano lalabanan natin ang gutom at pandemya para sa ating mga pamilya. Ang nagsulputang community pantries ang nagpapatunay na buhay na buhay ang “Bayanihan”, pero sumasalamin din ito sa kawalan ng sapat na ayuda mula sa gobyerno,” diin ni Marcos. (BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)
