DPA ni BERNARD TAGUINOD
MULA nang sumabog ang katiwalian sa flood control projects, tila nagpakasimple na ang mga kongresista dahil bihira ka nang makakakita ng magagarang mga sasakyan na nakaparada sa Batasan Pambansa Complex.
Kung may mga ulat na ang problema sa University of the Philippines (UP) ay kakulangan ng parking area dahil maraming mayayamang estudyante na nag-aaral sa unibersidad na ito na itinayo para sa mga mahihirap at kuwalipikadong estudyante, ganyan din ang problema sa Batasan Pambansa.
Maraming kongresista ang overacting sa kanilang security dahil bukod sa kanilang sinasakyang magagara at mamahaling sasakyan, hindi bababa sa dalawang sport utility vehicles (SUV) ang kanilang back-up na animo’y meron silang kinatatakutan, kaya ang dami nilang security na hanggang sa labas ng session hall ay inihahatid at sinusundo sila.
Kaya kulang-kulang ang parking lot sa Batasan Pambansa complex dahil sa dami ng mamahalin at magagarang mga sasakyan ng mga kongresista at kung may mga hearing o kaya deliberasyon sa pambansang pondo na obligadong dinadaluhan ng mga opisyales ng mga ahensya ng gobyerno na ipinatatawag, ibinababa lang sila sa loob at saka maghahanap ng mapaparkingan sa labas.
Pero noong sumabog ang katiwalian sa flood control projects, biglang lumuwag ang mga parking lot sa Batasan Pambansa at bihira ka nang makakita ng mamahalin at magagarang mga sasakyan.
Hanggang dalawang sasakyan na lang din ang convoy ng mga mambabatas hindi tulad noon na napakaraming sasakyan ang nakabuntot sa sinasakyan ng isang congressman kahit wala namang silbi sa Kongreso dahil hindi naman sila nagsasalita at hindi mo man lang sila naririnig na nakikipagdebate.
At ang pinakamatindi sa lahat, wala na ring helicopter na naghahatid at sumusunod sa congressman mula nang sumabog ang pinakamalaking katiwaliang ito sa kasaysayan ng ating bansa.
Noong ninanakaw pa ang pondo sa flood control projects, walang araw na walang chopper na bumababa sa Kamara na naghahatid ng congressman lalo na kapag may meeting o may session pero ngayon ay tahimik na ang helipad sa Batasan Pambansa.
May isa ngang congressman na OA dahil pagbaba ng kanyang chopper, susunduin siya ng mamahaling mga sasakyan para ihatid sa isang gusali kung saan siya nag-oopisina, eh puwede naman niyang lakarin para sa kanyang kalusugan.
Kaya masasabing nagtataguan na ng yaman ngayon ang maraming mambabatas sa Kamara. Kung titingnan mo rin ang kanilang mga relo ngayon, mga ordinaryo na lang hindi tulad noon na may naka-RM as in Richard Mille watch na ang tawag ng iba ay “Relo ng Magnanakaw”, na P25 million lang naman ang halaga.
Ang hindi lang nawawala ay ;yung ka-oa-yan ng mga kongresista sa kanilang security dahil hanggang sa labas ng session hall ay nakabantay sa kanila ang kanilang unipormadong security details na para bang hanggang sa Batasan ay nanganganib ang buhay nila. OA ‘di ba?!
50
