APAT na kaso ang kahaharapin ng isang 19-anyos na lalaki na nagtangkang manlaban sa mga pulis matapos na murahin at kuwestiyunin ang mga ito nang siya ay sitahin nitong Linggo ng madaling araw sa San Andres Bukid, Manila.
Naghihimas ng rehas na bakal at nahaharap sa kasong paglabag sa Article 155 (alarm and scandal) unjust vexation, Art. 151 (resistance and disobedience to a person in authority), RO 8627 (mandatory wearing of face mask) at curfew in Relation to IATF Guidelines at MMDA Resolution No. 21-09 Series of 2021, ang suspek na si Dan Mar Libay, alyas “Kisoy,” tricycle driver, residente sa #1767 Estrada St., San Andres Bukid.
Base sa ulat ng Manila Police District-Sta. Ana Police Station 6, bandang alas-1:15 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa Estrada St. sa San Andres Bukid.
Ayon sa report ng Dagonoy Police Community Precinct, habang nagsasagawa ng anti-criminality operation sina P/Cpl. Miguel Angelo Pacis at P/Cpl. Dan Kristoffer Bautista sa kanilang area, nang mamataan ang suspek na sumisigaw at minumura ang mga taong nasa lugar.
Bunsod nito, nagpakilala ang mga pulis at sinabi sa suspek na paglabag sa batas ang kanyang ginagawa.
Ngunit kinuwestyon ng suspek ang mga pulis at minura nagtangkang manlaban kaya inaresto siya ng mga awtoridad. (RENE CRISOSTOMO)
163
