ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang pagpapalakas at pagpapalawig sa Alternative Learning System (ALS) bilang bahagi ng pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng COVID- 19 pandemic.
Ayon sa senador, bibigyan ng programa ng pangalawang pagkakataon ang mga huminto at hindi nakatapos ng kanilang pag-aaral, lalo na ang mahigit apat na milyong hindi nagpa-enroll ngayong taon dahil sa epekto ng pandemya.
Sinabi ni Gatchalian, mahalaga ang papel ng ALS upang maabot ang mga mag-aaral na nanganganib na huminto sa pag-aaral.
Sa datos ng Department of Education (DepEd) nitong Agosto 27, nasa mahigit 361,398 ang nagpatala sa programa para sa darating na pasukan na katumbas ang 49 porsyento lamang ng 738,929 na nagpatala sa programa noong nakaraang taon.
Ayon sa pinakahuling pag-aaral ng World Bank, may dalawampu’t apat na milyong Pilipinong may edad labing-lima (15) pataas ang hindi nakatapos ng high school.
“Ang ALS program na ito ang sasalo sa mga hindi makakapag-aral. Importanteng may mekanismo na sasalo sa kanila. ‘Di pwedeng putulin yung paghihikayat na pumasok itong mga out-of-school youth,” pahayag ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Si Gatchalian ang may akda at sponsor ng Senate Bill No. 1365 o ang ALS Act na sisiguruhing bawat lungsod at munisipalidad sa bansa ay may ALS Community Learning Center. Ito ay upang masigurong ang programa ay aabot sa lahat ng hindi pa nakapagtapos ng kanilang pag-aaral at nais ipagpatuloy ito.
Tulad ng programa ng DepEd para sa blended learning ngayong taon, isinusulong ng panukalang batas ang iba’t ibang paraan ng pagtuturo tulad ng online learning, paggamit ng modules, radyo, telebisyon, at iba pa.
Ipinasa na sa Senado at Kamara ang kani-kanilang bersyon ng panukala sa programang ALS at inaasahang magkakaroon ng bicameral conference committee na bubuo ng pinal na bersyon ng
panukalang batas. (NOEL ABUEL)
294 