TUBONG Cagayan de Oro, at hindi taga-Marikina City, ang lalaki na nais ipatanggal ang pangalan ni Mayor Marcy Teodoro sa balota bilang kandidatong kongresista ng Unang Distrito ng siyudad.
Ito ang napag-alaman sa pagsasaliksik ng vlogger na si Eric Songcuan ukol sa katauhan ni Bencyrus Ellorin, na nagpapakilalang chairperson ng Pinoy Aksyon for Governance and the Environment.
“He’s from Cagayan de Oro. He went to Xavier University at Ateneo de Cagayan. I don’t know what he’s doing here, what’s his business in doing this,” wika ni Songcuan.
Kinuwestiyon din ni Songcuan ang layunin ni Ellorin at ng kanyang grupo. Aniya, sa dinami-dami ng isyu sa bansa, bakit nila piniling makialam sa pulitika sa Marikina City.
Hindi man direktang pinangalanan ni Songcuan, binanggit niya na may kandidato sa Marikina City na taga-Cagayan de Oro gaya ni Ellorin.
Sa pagsasaliksik, si Senador Koko Pimentel ay kilalang taga-Cagayan de Oro. Tumakbo pa siyang mayor ng Cagayan de Oro noong 2001 ngunit natalo.
Iginiit naman ni Songcuan na wala pang pinal na desisyon sa kaso ni Mayor Teodoro kaya kandidato pa rin siya sa pagka-kongresista sa Unang Distrito ng Marikina.
Nagpahayag naman ng buong suporta ang mga taga-Marikina sa kandidatura ni Teodoro, sa pagsasabing titindig at lalaban sila para sa kanya hanggang sa huli.
