MARAMI ang nagsasabi na eleksyon lang ang magpapababa sa lintek na varus, dahil ayon sa report ng OCTA research group, bumaba pa lalo sa 91 ang arawang average sa National Capital Region (NCR) makaraang malagay sa ‘very low risk status’ ang rehiyon.
Sa pinakahuling datos ng OCTA, naitala ang 91 kaso kada araw mula Disyembre 6-12 na mas mababa sa 105 na naitala sa sinundang linggo. 0to umano ang pinakamababang naitala sa rehiyon mula noong Marso 22-28 noong 2020 pa.
Ngunit bahagyang tumaas naman ang reproduction number ng Metro Manila sa 0.39 na mas mataas sa 0.34 ng sinundang linggo.
Ang ‘average daily attack rate (ADAR)’ ng NCR ay nasa 0.64 kada 100,000 indibidwal at ang positivity rate ay naitala sa 0.9%.
Dahil dito, mula sa ‘minimal risk’ ay nasa ‘very low risk’ na ang NCR. Kasama rin na nailagay sa ‘very low risk’ ang mga siyudad at bayan ng Pateros, Caloocan, Las Piñas, Mandaluyong, Parañaque, Marikina, Pasig, Navotas, Valenzuela, San Juan, Manila, Pasay, at Taguig.
Pinakamagandang sitwasyon ang Pateros na nagtala ng 0 kada araw na kaso at may ‘negative one-week growth rate na -100% habang ang ICU utilization nito ay nasa 0% rin.
Nasa ‘low risk’ naman ang mga siyudad ng Muntinlupa, Quezon City, Malabon, at Makati dahil sa bilang ng mga pasyente ng COVID-19 na nasa pagamutan. (RENE CRISOSTOMO)
