MALAKI ang posibilidad na magpatupad ng mas mahigpit na quarantine protocol sa pagpasok ng taon sa iba’t ibang mga lugar sa bansa.
Ito’y sa oras na makitang hindi maganda ang Health System Capacity Indicator dahil sa naiuulat na unti- unting pagsipa ng kaso ng COVID-19.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, may ilang mga lugar na palapit na nang palapit sa moderate ang estado ng Health System Capacity
gaya ng Region 10, Region IV-A, Region 2 gayundin ang CAR.
Kaya ang paalala ni Sec. Roque, kapag umabot sa critical ang status ng bed capacity ng mga ospital para sa mga tinamaan ng COVID-19, dito na posibleng maikonsidera ang pagpapatupad ng mas istriktong health protocol.
Kabilang din ang Metro Manila sa may nakikitang pagtaas sa kaso ng corona virus kung saan, siyam na mga siyudad umano ang unti-unting tumataas ang daily attack rate.
“Now, paaalalahanan ko lang po kayo, kapag umabot po tayo ng critical, iyan po ay isang dahilan para magkaroon na naman tayo ng mas istriktong quarantine. Iyan po ay isang indicator para bumalik sa mas istriktong quarantine classification,” anito. (CHRISTIAN DALE)
