MALAPIT sa puso ko ang mga overseas Filipino worker (OFW) dahil marami akong kamag-anak na nagtrabaho sa ibang bansa mula noon hanggang ngayon.
Kasama diyan ang mommy ko na nagretiro sa pagiging nars sa ibang bansa.
Matagal ding naging nars sa ibang bansa ang kapatid ko at pinsan.
Ilang hipag at mga bilas ko ang naghanap-buhay sa Taiwan at marami pang iba.
Hindi ko masisi na sa ibang bansa pa sila magbanat ng buto at makipagsapalaran, kasama ang mommy at kapatid ko, dahil walang dudang higit na malaki ang kinikita nila sa ibang bansa kaysa rito sa Pilipinas.
Sa modernong kasaysayan ng manggagawa, idineklarang “bagong bayani” ang mga OFW ilang taon na ang nakalilipas dahil sa katangi-tangi at napakalaking nagawa nila sa pagsulong at pag-angat ng ekonomiya ng Pilipinas.
Sa totoo lang, walang bago rito dahil binigyan lang ng hiwalay na bansag ang mga manggagawang naghahanap-buhay sa ibang bansa.
Simula nang ipinanganak ang uring manggagawa sa Pilipinas noong huling bahagi ng pananakop at paghahari ng Kastila sa Pilipinas ay malinaw na ang mapagpasyang papel ng mga manggagawa sa ating lipunan.
Siya ang tagapaglikha ng personal na kayamanan ng mga kapitalista, sa partikular, at ng kabuuang yaman ng bansa, sa pangkalahatan.
Hindi nabago ang papel na ito hanggang sa kasalukuyan.
Ngunit, hindi naman nangangahulugang tuluyang nawalan ng papel ang mga magsasaka, manggagawang – bukid at mangingisda.
Markado pa rin ang papel nila sa ating bansa kahit mabilis na dumami ang bilang ng mga manggagawa sa Pilipinas.
Ngunit, kung pagpasok ng pera sa Pilipinas ang pag-uusapan, hindi maipagkakailang binusog at patuloy na binubusog ng mga OFW ang Pilipinas.
Upang kumita ang mga bangko mula sa OFW, nagtakda ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng patakarang humikayat sa mga manggagawa sa ibang bansa na ipadala ang kanilang pera sa kanilang mga kamag-anak, sa pamamagitan ng bangko, upang matiyak na ligtas ang kanilang pera mula sa iba’t ibang uri ng mandurugas.
Binabantayan ito ng BSP.
Kaya, regular ding naglalabas ng ulat ang BSP hinggil sa rami ng salaping ipinapadala ng mga OFW sa bawat kwarter ng bawat taon.
Nagkaroon din ang Pilipinas ng ahensiya na ang trabaho ay tiyaking mapangalagaan ang mga OFW kapag umuwi sila sa Pilipinas.
Ang tawag dito ay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Batay sa rekord ng OWWA, bilyun-bilyon ang hawak nitong pondo taun-taon.
Ngunit, masama ang nangyari ngayon sa pondo ng OWWA dahil, ayon sa pinuno nito noon pang 2016 na si Hans Cacdac, 60 porsiyento ang
nabawas dito simula nang manalasa ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) nitong 2020.
Pokaragat na ‘yan!
Hindi ba’t nakababahala nang todo ang masamang nangyayaring ito sa OWWA?
Ang dahilan daw nito ay napakaraming mga OFW ang nawalan ng trabaho dahil sa hagupit ng COVID-19 sa ekonomiya ng mga bansang pinagtatrabahuan nila.
Napakarami sa mga umuwi sa Pilipinas ang hindi nakabalik sa ibang bansa dulot ng COVID-19.
Hindi binanggit ni Cacdac kung magkano ang 60% na nawala sa pondo ng OWWA.
Mayroon namang mga OFW na nakabalik sa kanilang trabaho na umabot lamang sa halos 1.4 milyon, ayon sa rekord ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Mababa ito kung ikukumpara noong 2019 na mahigit dalawang milyong mga Filipino ang nakapagtrabaho sa iba’t ibang bansa, ayon pa rin sa POEA.
Mahalaga ang bilang ng mga Filipino na namamasukan sa ibayong dagat dahil dito nakabatay ang pumapasok na pera sa OWWA.
Sa mga hindi po nakakaalam, ang pinakamalaking porsiyento sa pondo ng OWWA ay galing sa mga OFW.
Ang bawat OFW na nagtatrabaho sa ibang bansa ay $25 ang ibinibigay sa OWWA bilang “membership fee” ng mga manggagawa sa nasabing ahensiya.
Kung umabot sa 600,000 ang mga manggagawang hindi nakapagtrabaho sa ibang bansa nitong 2020, posibleng totoo ang inamin ni Cacdac sa media na 60 porsiyento ang nawala sa pondo ng OWWA.
Mabuti na lang hindi sa kurapsiyon at pandarambong sa pera ng mga OFW.
Ipinunto ni Cacdac sa online press briefing kamakailan na walang dapat ikabahala ang mga OFW dahil hindi naman bangkarote ang OWWA dahil sa kasalukuyan ay mayroon pang P18.4 bilyong pondo ang ahensiya.
Noong 2019, mahigit P20 bilyon ang pera ng OWWA.
Simula nang magkaproblema ang ating bansa sa COVID-19, dahan-dahang nabawasan ang pera ng OWWA.
Umabot na lang daw ito sa P18 bilyon dahil naglabas ang OWWA ng pera na ipinambayad sa napakatagal na pagpapakuwarantina sa kanila sa mga hotel.
Kung matino pa rin ang memorya ko, binigyan din ng OWWA ng ayudang pera ang mga OFW (P20,000 sa bawat miyembro ng OWWA at P10,000 sa mga hindi kasapi).
Maliban diyan, ikinasa rin ng OWWA ang mga proyektong pangkabuhayan para sa mga OFW, college scholarship, at iba pa.
Sa kabila ng 60 porsiyentong perang hindi pumasok sa OWWA noong 2020, tiniyak ni Cacdac na nanatiling “matatag” ang pondo ng OWWA dahil P5.2 bilyon ang ibinigay ng pambansang pamahalaan para sa 2020 at P6.2 bilyon naman para sa 2021.
210 