NAKAKAKABA ANG EKSENA SA DOLOMITE BEACH

NAKAKAKABA ang eksena sa dolomite beach sa Roxas Blvd. sa lungsod ng Maynila lalo na’t hindi pa tapos ang problema natin sa COVID-19 at libu-libo pa rin ang nahahawaan.

Kung pagbabasehan natin ang mga video at mga larawan sa social media, hindi nasusunod ang health protocols at hindi nakokontrol ang pagpasok ng mga tao sa artificial beach.

Dikit-dikit ang mga tao kaya walang social distancing at nang bumuhos ang ulan, nagkumpulan ang mga utaw para sumilong kaya nakakakaba lalo na’t nag-mutate na ang Delta variant kaya meron na namang tinatawag na sub-delta variant ngayon.

Base sa mga report, umabot sa 20,000 ang dumagsa noong weekends sa artificial beach na ito kaya kahit sa overpass ay apaw ang mga tao. Ilan ba ang kapasidad ng ­pasyalang ito?

Mukhang walang nagpapatupad talaga ng health protocols at hindi kinokontrol ang mga tao pero sa mga sementeryo gustong ipatupad ang health protocols para wala raw hawaan sa COVID-19.

Siguradong alam ng mga otoridad kung ilan ang kapasidad ng artificial beach at kapag ipinatupad ang social distancing, alam siguro nila kung ilang katao lang ang dapat nilang papasukin.

Pero hindi ‘yun ginagawa ng mga nagbabantay sa beach. Ang nakita kong eksena ay ang pagpapalayas sa isang tao na naka-­costume ng COVID-19 virus na nagpapaalala sa mga tao na huwag kalimutan na nasa pandemya pa tayo.

Sigurado rin ba ang mga kinauukulan na lahat ng pumapasok sa dolomite beach ay fully vaccinated na? Parang hindi dahil meron tayong nakikitang mga menor de edad na kasama ang kanilang mga magulang na namamasyal.

Hindi ko masisisi ang mga tao sa kasabikan nilang makalabas ng bahay dahil sa tagal na nilang pagkakakulong sa kanilang bahay kaya nang magkaroon ng pagkakataon makalabas, hayan, dinagsa nila ang dolomite beach.

Susunod naman ang mga tao kapag may ipinapatupad na patakaran sa pagpasok sa dolomite beach pero mukhang wala ring ipinapatupad na patakaran. Parang lahat ng gustong pumasok, sige pasok kayo.

Huwag namang ipahintulot ng Diyos, pero kapag nagkaroon muli ng COVID-19 surge dahil sa ganitong mga pagtitipon, sino ang sisisihin ni Presidential spokesman Harry Roque?

Dati ang pagiging pasaway ng mga tao ang sinisisi kapag dumarami ang kaso ng COVID-19 kaya baka sisihin ulit sila kapag dumami na naman ang kaso ng COVID-19 lalo na sa National Capital Region (NCR).

Ako, ang sisihin ko dito kapag nagkataon (huwag naman sana) ay ang gobyerno dahil parang pinipili nila ang mga lugar kung saan nila ipapatupad ang health protocols.

Sa mga sementeryo magpapatupad daw ng mahigpit na health protocols at isasara ang mga libingan sa araw ng mga yumao para maiwasan ang hawaan pero sa dolomite beach hindi ipinapatupad?

Maraming kaso ng hawaan sa maliit na pagtitipon lang ng mga pamilya paano na lamang sa mga nakikita nating eksena sa dolomite beach na ito? Diyos kong mahabagin!

490

Related posts

Leave a Comment