PARANG nakakaloko ang oil companies na kapag nagtaas ng presyo sa mga produktong petrolyo ay bigtime pero kapag nag-rollback naman ay napaka- small time.
Walang natuwa sa rollback na ipinatupad ng mga kumpanya ng langis sa presyo ng diesel dahil mantakin mo 35 sentimos lang ang ni-rollback nila samantalang kapag nagtaas ay hindi lalagpas ng piso at madalas, halos dalawang piso kada litro.
Ano naman ang mangyayari sa 35 sentimos eh mula Enero hanggang November 2, 2021 ay P18.10 ang itinaas ng presyo ng diesel habang ang gasolina, Diyos ko, P21.95 na ang nadagdag na presyo sa nakaraang 10 buwan.
Ang gaas o kerosene, P15.74 ang nadagdag mula Enero habang pataas nang pataas naman ang presyo ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) na lahat ng mga tao sa mga lungsod ay gumagamit.
Baryang-barya kung magbaba ng presyo ang mga kumpanya ng langis na para bang utang na loob pa natin sa kanila na nagbaba sila ng presyo. Saan ang corporate responsibility na tinatawag.
Hindi puwedeng sabihin ng oil companies na nalulugi sila dahil hindi pa nangyari na sila ay nalugi, Katunayan, bilyon-bilyon piso ang kanilang idineklarang income taon-taon.
Kung talagang umiiral sa mga malalaking kumpanya ang tinatawag na ‘corporate responsibility” dapat isipin nila ang kalagayan ng mga consumers na mahihirapan kapag hinahabol nila ang kanilang target na income.
Eto ang negatibong epekto ng deregulation. Pawang pabor lang sa mga negosyo ang deregulasyon at talong-talo ang consumers sa ganitong sistema taliwas sa sinasabi ng gobyerno na kapag deregulated ang isang industry ay magkakaroon ng kumpetisyon.
Wala tayong nakikita o hindi natin nararamdaman ang kumpetismo sa oil deregulation law dahil pare-pareho ang presyo ng lahat ng oil companies at kung magtaas, oras lang ang pagitan.
Hindi ‘yan ang ipinangako ng oil deregulation law na pababaan daw ng presyo ang oil companies kapag nagkaroon ng maraming players at hindi pakikialaman ng gobyerno ang pagtatakda nila ng presyo.
Pero ang sinisi ko kung bakit nangyayari ito ay walang iba kundi mismo ang gobyerno dahil mistulang kasabwat sila sa pagpapahirap sa consumers imbes na pagaanin ang buhay ng mga tao lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Parang ayaw isakripisyo ng gobyerno ang buwis sa petroleum products? Bakit, dahil bawat P4 na piso na ibinabayad ng consumers sa binibiling langis, P1 ang mapupunta sa gobyerno.
So habang pataas nang pataas ang presyo ng mga produktong petrolyo, pataas nang pataas din ang value added tax at excise tax na nakokolekta ng gobyerno at direktang kinukuha ito sa consumers at hindi sa oil companies kaya para silang kasabwat.
Nanghihinayang ang gobyerno sa P147 billion na mawawalang buwis kapag sinuspinde ng isang taon ang vat at excise tax sa langis pero hindi bababa sa P250 billion naman ang hindi nila pababayaran sa mga malalaking negosyo sa bansa para raw makapag-expand ang mga ito.
Kung kaya nilang pagkawala ng P250 billion bakit hindi nila kayang isakripisyo ang P147 billion kung eto ang makapagpapagaan naman sa kalagayan ng consumers?
3671 