NAKAW NA MOTORSIKLO NABAWI SA TULONG NG CCTV

CAVITE – Nabawi ang isang nakaw na motorsiklo sa isang lalaki nang matunton at makilala na siyang tumangay sa nasabing sasakyan, sa tulong ng Closed Circuit Television (CCTV) sa bayan ng Naic sa lalawigan noong Linggo ng gabi.

Hawak na ng pulisya ang suspek na si alyas “Bernie”, isang obrero, ng Rosario, Cavite, matapos matunton sa kanya ang nakaw na isang motorsiklong Rusi TC150.

Ayon sa reklamo ng biktimang si alyas “Jennalyn”, ng Brgy. Ibayo Estacion, Naic, Cavite, ipinarada nito ang nasabing motorsiklo na kanya lamang hiniram sa kanyang pinsan, sa Barangay Timalan, Balsahan, Naic, Cavite bandang alas-6:52 ng madaling araw noong Disyembre 17 ngunit nakalimutan niyang tanggalin ang susi.

Kinabukasan, hindi na niya nakita ang motorsiklo at tinangkang hanapin subalit nabigo siya kaya noong Disyembre 21 ay ini-report ito sa pulisya.

Nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya at base sa CCTV footage, nakilala ang suspek at natunton sa kanilang bahay sa Brgy. Sabang, Naic, Cavite, gayundin ang motorsiklo bandang alas-11:23 ng gabi.

Wala namang maipakitang dokumento ng motorsiklo ang suspek kaya agad itong inaresto.

(SIGFRED ADSUARA)

98

Related posts

Leave a Comment