POSIBLENG pasimulan na anomang oras, ang law enforcement operation laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang at ilan pang sangkot sa missing sabungeros.
Ito ay sa oras na ilabas ang warrant of arrest laban kay Ang na umano’y utak sa likod ng misteryosong pagkawala ng mga sabungero.
Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla nitong Lunes, Disyembre 22, maaring anomang oras ay maglabas na ng mandamiento de arresto laban kay Ang.
Matatandaan, nauna nang kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na nakakita ito ng prima facie evidence with reasonable certainty of conviction para sampahan si Ang ng dalawang kaso ng kidnapping.
Inihayag naman ng legal counsel ni Ang, na si Atty. Gabriel Villareal, base sa kanilang inihaing motion for reconsideration, salungat ang findings ng DOJ sa ebidensiyang iprinisenta sa prosecution panel.
Ibinasura naman ng DOJ ang reklamo laban sa iba pang itinuro ng whistleblower na si Julie Patidongan, na sangkot umano sa pagkawala ng mga sabungero, kabilang na ang aktres na si Gretchen Barretto at 10 iba pang respondents.
Nabatid na naghain na ng pormal na reklamo ang Department of Justice (DOJ) laban sa negosyanteng si Atong, sa ilang regional trial courts (RTCs) kaugnay sa pagkawala ng ilang sabungero, ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez nitong Lunes, Disyembre 22.
Ani Martinez, si Ang at iba pa ay sinampahan ng reklamong kidnapping with homicide gayundin ng kidnapping and serious illegal detention sa mga RTC ng Lipa City; Sta. Cruz, Laguna; at San Pablo, Laguna noong Disyembre 19.
“Under the Revised Rules of Criminal Procedure, the courts where the information is filed will issue the corresponding warrants of arrest upon determination of the existence of probable cause based on the evidence submitted and the resolution of the panel of prosecutors,” paliwanag ng tagapagsalita.
Ayon sa resolusyon, nakita ng DOJ prosecutors na ang sinumpaang salaysay ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan at kapatid nitong si Ellakim, ay naglatag ng matibay na ebidensya na si Ang ang siyang may command responsibility at may aktibong pakikialam sa pagpapadukot.
Naghain naman ng motion for reconsideration sa DOJ ang kampo ni Ang.
(JESSE RUIZ)
73
