PATAY ang isang 42-anyos na lalaki nang mahulog mula sa tulay na kahoy habang nakikipagsuntukan sa kanyang kapitbahay sa gitna ng pagtatalo sa Malabon City noong Lunes ng gabi.
Hindi umabot nang buhay sa Ospital ng Malabon ang biktimang si Ruel Asignado, 42, ng #38 C. Arellano St., Brgy. San Agustin habang arestado naman ng nagrespondeng mga tauhan ng Sub-Station 6 ang suspek na kinilalang si Richard Dagumo, 36, helper.
Ayon sa imbestigasyon nina P/SMSgt. Julius Mabasa at P/SSgt. Ernie Baroy, naglalakad pauwi ang biktima dakong alas-7:50 ng gabi nang mabangga nito ang kahoy na dingding ng bahay ng suspek.
Kinompronta ng suspek ang biktima naging dahilan ng kanilang mainitang pagtatalo hanggang sa mauwi ang mga ito sa suntukan.
Ayon sa pahayag sa pulisya ng saksing si Ruminda Ibasate, 37, nahulog mula sa improvised na tulay na kahoy ang biktima makaraang masapol ng suntok ng suspek naging dahilan ng pagkamatay nito.
Iprinesenta ang suspek sa inquest proceedings para sa kasong homicide sa Malabon City Prosecutor’s Office. (FRANCIS SORIANO)
218
