616 MOTORISTA, DRIVERS HULI SA QC BIKE LANES

UMABOT sa 616 motorista o mga driver ang nahuli sa Quezon City dahil sa ilegal na paggamit at pagparada ng kanilang sasakyan sa road lanes na nakalaan para sa mga bisikleta sa unang dalawang buwan ng kasalukuyang taon.

Ayon sa Bike Lane Apprehension Report na isinumite sa tanggapan ni Mayor Joy Belmonte, 524 lumabag ang nahuli at pinamulta mula Enero 1 hanggang 31, habang ang 94 lumabag ay hinuli mula Pebrero 1 hanggang 6.

“Gusto nating igiit sa publiko na ang bike lanes ay para sa mga bike lang. Kung kayo ay naka-motor o gumagamit ng sasakyan, hindi kayo pwede sa loob ng bike lane,” ani Belmonte.

“Bike lanes are designed to put the safety of cyclists first. If you run over or obstruct their lane then that puts them in danger and defeats the very purpose of our bike lane,” dagdag ng alkalde.

Sinabi ni Department of Public Order and Safety Chief Elmo San Diego, isinagawa nila ang operasyon katuwang ang grupo ng DPOS-Green Transport Office (GTO) at Task Force for Traffic and Transport Management (TFTTM).

“We have to make sure that the safety of all road users, including bicycle riders, are observed at all times,” dagdag ni San Diego.

Ang DPOS at TFTTM ay inimplementa ang provisions ng SP 2988 o ang QC Safe Cycling and Active Transport Ordinance, na nagbibigay ng prayoridad sa mga bumibiyahe gamit ang bisikleta sa gitna ng pandemic, at SP 1444 o ang QC Traffic Management Code.

Nakapaloob sa SP 2988 na ipinatutupad ang multa para sa motorista na gagamit o nakaharang sa cycling lanes sa Quezon City.

Ang nasabing multa ay P1,000, P3,000 at P5,000 para sa una, pangalawa at ikatlong paglabag.

Bawal din ang hired pedicabs sa nasabing cycling lanes at may katapat na multang P300 o isang araw na community service para sa unang paglabag, at P300 o isang araw na community service and attendance sa half-day seminar sa safe cycling sa una at kasunod na mga paglabag.

“Magsilbi sana itong babala sa ibang motorista. Huwag na po kayong pumasok sa bike lane at malaki ang tyansa na mahuli kayo ng ating enforcers,” ani TFTTM head Dexter Cardenas. (JOEL O. AMONGO)

434

Related posts

Leave a Comment