NAMAMATAY SA TIGDAS TUMAAS NG 50%

HINILING ni Senador Win Gatchalian sa local government units (LGUs) na paigtingin ang pagbabakuna upang maiwasan ang outbreak ng vaccine-preventable diseases matapos iulat ng World Health Organization (WHO) na tumataas ang bilang ng namatay sa tigdas sa buong mundo.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na base sa ulat ng WHO, umakyat sa 50% ang bilang ng batang namatay sa tigdas sa buong mundo mula 2016 hanggang 2019 na lubhang nakababahala.

Ayon sa United Nations Children’s Fund (UNICEF) noong nakaraang Abril, may halos dalawang milyong bata sa bansa ang nanganganib na hindi mabakunahan dahil sa pandemya ng COVID-19.

Bumaba rin ang immunization coverage o ang porsiyento ng mga batang nakatanggap ng bakuna mula higit walumpung (87) porsiyento noong 2014 sa halos pitumpung (68) porsiyento noong nakaraang taon.

Iniulat din ng Deparment of Health (DOH), WHO at UNICEF na buhat nitong Agosto ngayong taon, may mahigit tatlong libong (3,500) kaso ng tigdas ang naiulat sa bansa at halos apatnapu (36) ang namatay. Karamihan sa mga naitalang kaso ay mula sa mga batang wala pang limang taong gulang.

“Upang hindi na lumala ang krisis pang-kalusugan na nararanasan natin dahil sa COVID-19, kailangang maiwasan natin ang pagkalat ng mga nakamamatay na sakit na tulad ng tigdas na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng mga bakuna,” ani Gatchalian.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10152 o ang Mandatory Infants and Children Health Immunization Act of 2011, ang mga batang hanggang limang taong gulang ay maaaring makatanggap ng mga pangunahing bakuna mula sa mga pampublikong ospital at mga health center. (ESTONG REYES)

333

Related posts

Leave a Comment