NANAWAGAN si dating Ilocos Sur governor Luis “Chavit” Singson na ibalik sa sentro ng usapan ang isyu ng flood control projects at ipagpatuloy ang imbestigasyon ngunit hindi na sa ilalim ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na umano’y wala nang kredibilidad matapos ang sunod-sunod na pagbibitiw ng mga miyembro nito.
Sa press conference sa Club Filipino sa San Juan City kahapon, iginiit ni Singson na dapat muling ilabas at pagsalitain si Sarah Discaya dahil marami pa umano itong isisiwalat kaugnay ng korupsyon sa mga flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Diretsahan ding inakusahan ni Singson si dating House Speaker Martin Romualdez na umano’y nagtatago kay Orly Guteza, ang dating resource person sa Senate Blue Ribbon Committee hearing na bigla na lamang nawala.
Matatandaang noong kalagitnaan ng pagdinig sa Senado noong nakaraang taon, biglang iniharap ni Sen. Rodante Marcoleta si Guteza na tuwirang itinuro si Rep. Zaldy Co bilang naghatid umano ng maleta ng pera sa bahay ni Romualdez.
Kalaunan, pinagtibay pa ito ni Co sa kanyang mga pagsisiwalat kung saan tahasan niyang sinabi na nag-deliver din siya ng milyun-milyong piso sa Malacañang at sa bahay mismo ni Romualdez.
Dahil dito, sinabi ni Singson na sinisimulan na ng kanyang mga kasamahan ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor, partikular sa mga religious group, para sa planong “one time, big time” anti-corruption rally na posibleng ikasa sa Pebrero.
Tahasan ding tinawag ni Singson na sinungaling at mastermind ng korupsyon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kaugnay ng pahayag nito sa 2024 State of the Nation Address (SONA) kung saan ipinagmalaki ang 5,500 flood control projects sa buong bansa.
Ayon kay Singson, mismong kalikasan na ang nagbunyag ng kasinungalingan ng administrasyon dahil patuloy pa ring binaha ang iba’t ibang bahagi ng bansa. Aniya, hinanapan ng taumbayan ng konkretong flood control projects ang Pangulo ngunit wala itong naipakita.
Binalikan din ni Singson ang pahayag ni Marcos noong Hulyo 28, 2025 SONA na “mahiya naman kayo,” na aniya’y isang paghuhugas-kamay lamang. Dapat daw ay “mahiya naman tayo,” dahil ang Pangulo mismo ang pumirma sa tinawag niyang pinaka-korap na 2025 national budget.
Kinuwestiyon din ni Singson kung bakit hindi iniimbestigahan ang flood control projects sa Ilocos Norte na may pinakamalaking alokasyon ng DPWH budget.
Pinuna rin niya ang umano’y magulong imbestigasyon ng ICI na aniya’y namimili lamang ng iniimbestigahan, at iginiit na nagsabwatan umano sina Romualdez at Marcos kung saan ginamit si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co bilang tagakalap ng pera.
Kaugnay nito, isiniwalat ni Singson na may inilabas siyang open letter kay AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., na hinihimok itong lantaran manindigan laban sa korupsyon.
Babala pa ng dating gobernador, kung mananahimik si Brawner, darating ang panahong tatanungin siya ng kanyang mga apo kung ano ang ginawa niya upang labanan ang katiwalian.
Kasabay nito, muling nanawagan si Singson ng panibagong malakihang kilos-protesta upang manindigan laban sa korupsyon na umano’y pinamumunuan ng administrasyong Marcos.
(NEP CASTILLO/JOEL O. AMONGO)
32
