NANG TAWAGING “HACK” ANG KARANIWANG BIYAHE

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

HINDI ito tungkol sa paghusga sa isang taong sumakay ng tren. Hindi rin ito tungkol sa pagpo-post ng video sa MRT. Ang naging problema ay kung paano ikinuwento ang isang karanasang pangkaraniwan na parang bihira at espesyal.

Si JV Wanderer, isang travel content creator mula sa Caloocan, ay nag-post kamakailan sa TikTok kung saan makikitang halos walang tao sa MRT na sinasakyan niya. Sa caption, tinawag niya itong “the most underrated hack to beat Manila’s traffic.”

Hindi nagtagal, umulan ng puna. May nagsabing insensitive. May nagsabing out of touch. Pagkatapos kong panoorin ang video at basahin ang mga sagot niya sa comments, malinaw na hindi lang basta galit ang pinanggalingan ng reaksyon ng publiko.

Hindi underrated ang pampublikong transportasyon. Araw-araw itong ginagamit ng mga taong alam na alam ang pakinabang at hirap nito. Marami ang sumasakay ng tren dahil mas mabilis at mas mura ito kaysa bumiyahe sa kalsada. Kasama na rin doon ang mahabang pila, ang siksikan, at ang ilang tren na dumaraan nang hindi ka makasakay

dahil punuan na.

Wala sa video ang ganitong reyalidad. Ang ipinakita ay isang MRT na walang laman, kinunan sa oras na hindi rush hour. Totoo naman iyon. Alam ng lahat ng mga nagko-commute na humuhupa ang dami ng pasahero kapag lampas na ang peak hours. Pero nang tawagin itong hack, nag-iba ang tono. Parang naging isang lihim na nadiskubre ito, na para bang hindi alam ng iba.

Isang salita lang iyon, pero malaki ang epekto. Ang “hack” ay parang shortcut na hindi pa nadidiskubre ng karamihan. Pero ang pagsakay ng tren sa off-peak hours ay hindi shortcut. Iskedyul lang iyon na hindi kayang piliin ng marami.

Mas nakadagdag pa sa inis ng ilan na ang talagang kapaki-pakinabang na detalye ay wala mismo sa video. Sa isang comment lang nabanggit ang paggamit ng GCash bilang pambayad. Kung iyon ang binigyang-diin, baka iba ang naging usapan. Mas malinaw sana ang punto. Sa halip, ang tren mismo ang itinampok na parang biglang naging madali

ang lahat.

Hindi rin nakatulong ang ilan sa kanyang mga sagot sa comments. May mga tunog balewala. May mga sagot na tila hindi kinikilala ang karanasan ng iba. Kahit hindi niya sinasadya, ganito ang dating kapag magaan ang tono sa usapang mabigat para sa marami.

Para maging patas, may tama naman ang ilan sa sinabi niya. Minsan mas mabilis talaga ang tren kaysa bus na naiipit sa traffic. May mga pagkakataong mas magaan ang biyahe.

Pero ang mas magaan ay hindi ibig sabihin na madali. Ang tunay na kalaban sa pagsakay ng tren ay hindi ang biyahe mismo. Kundi ang pila. Ang siksikan. Ang paghihintay sa platform habang dumaraan ang mga tren na wala nang espasyo.

Mahalaga ang konteksto. Kung sasakay ka sa dulo ng linya at sa tahimik na oras, magiging kalmado talaga ang biyahe. Pero marami ang sumasakay sa gitna ng lungsod, sa oras na sabay-sabay ang lahat. Iba ang mundo nila, at hindi iyon kasya sa isang maikling video.

Kung ikinuwento ito bilang personal na karanasan, mas madaling tanggapin. Kung sinabi niyang ngayon lang niya ito na-appreciate, mas tapat sana ang dating. Pero nang ipakita ito bilang isang bagong tuklas, nabura ang karanasan ng mga taong matagal nang alam ang sistema.

Hindi kailangan ng public transport ng bagong branding. Kailangan lang itong maunawaan. Para sa karamihan, ang tren ay hindi hack. Isa itong mahabang pila sa madaling araw, siksikang biyahe sa gabi, at isang maikling ginhawa kapag tuluyang nagsara ang mga pinto.

32

Related posts

Leave a Comment