PATAY ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos makipagbarilan sa mga pulis sa buy-bust operation sa Malabon City noong Lunes ng gabi.
Kinilala ni Malabon Police chief, Col. Joel Villanueva ang suspek na si Erwin Arcega, 39, ng #41 Dr. Lascano St., Brgy. Tugatog, Malabon City, hindi umabot nang buhay sa Ospital ng Malabon sanhi ng mga tama ng bala sa katawan.
Ayon kay Col. Villanueva, dakong alas-10:40 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kontra sa suspek sa P. Concepcion, Brgy. Tugatog.
Nabatid sa imbestigasyon nina P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Diego Ngippol, napansin ng suspek na pulis ang katransaksyon kaya nakipagpalitan ito ng putok sa mga awtoridad na kanyang ikinamatay. (FRANCIS SORIANO)
152
