Napipintong pagsipa sa kanya sa PDP-Laban uunahan PACQUIAO, TATALON SA NPC NI SOTTO?

LAHAT ng paraan ay tila gagawin ni Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao upang walang maging sagabal sa kanyang planong tumakbo sa pagkapresidente ng Pilipinas sa eleksyon sa susunod na taon.

Isa sa mga diskarte ng boksingerong naging politiko ay iwanan ang Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) kahit siya pa ang “acting president” nito.

Kasunod ito ng girian ni Pacquiao at ng ilang matataas na opisyal ng PDP-Laban tulad nina Energy Secretary Alfonso Cusi at Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) Secretary Raul Lambino.

Katunayan, ipinunto nina Cusi at Lambino sa media na hindi halal na pangulo ng PDP-Laban si Pacquiao, kaya napakalaki ng posibilidad na patalsikin ang senador sa pamunuan ng PDP-Laban.

Ang matindi ay umiinit ang banggaan nina Pacquiao at Pagulong Rodrigo Duterte.

Nagsimula ito nang minsang saltikin ni Pacquiao si Duterte hinggil sa “kapos” na paninindigan ng pangulo sa West Philippine Sea (WPS).

Ang ginagawang ito ni Duterte at ng ilang opisyal ng pamahalaan na nagpapakita ng batayan na sila ay “loyal” sa pangulo ay unti-unting nagtutulak kay Pacquiao na layasan ang PDP-Laban.

Si Cusi ay dating ‘bataan’ ni First Gentleman Juan Miguel “Mike” Arroyo, samantalang si Lambino ay dating sagad-saring loyalista ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Hindi naman masama at hindi krimen sa Pilipinas ang paglipat ng partido, kahit malapit na ang halalan.

Pangunahing katangian ‘yan ng pulitika ng Pilipinas na pinasimulan ng lolo ni dating Interior Secretary Manuel “Mar” Roxas II na si Manuel A. Roxas.

Nanguna noon si Roxas sa pag-iwan sa Nacionalista Party (NP) at itinatag ang Liberal Party (LP) upang magkaroon ng makinaryang gagamitin sa kanyang pagtakbo bilang pangulo ng bansa laban kay Pangulong Sergio Osmeña ng NP.

Posibleng lumipat si Pacquiao sa Nationalist People’s Coalition (NPC) na pinamumunuan ni Senate President Vicente Sotto III.

Nitong Sabado, inilabas ni Sotto sa media ang paglipat ng kaibigan ni Pacquiao na si Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis Chavit Singson.

Nanumpa si Singson kay Sotto nitong Sabado sa isang business establishment sa Quezon City.

Bukod sa pagiging alkalde, si Singson din ang pangulo ng Mayors League of the Philippines (MLP).

Ilang araw na ang nakalilipas, inamin ni Sotto na interesado siyang tumakbo sa posisyon ng pangalawang pangulo sa halalang 2022 kung ang magiging katambal niya ay si Senador Panfilo Lacson.

Siguradong tatakbo raw si Pacquiao sa pagkapresidente ng bansa sa halalang 2022, pagtitiyak ng source ng Investigative Reporter na ito na mayroong koneksyon kay Singson. (NELSON S. BADILLA)

197

Related posts

Leave a Comment