HINDI dapat pagtalunan ang ligalidad ng pagtaas sa buwanang hulog sa Social Security System (SSS) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng mga kasapi ng dalawang ahensiyang ito dahil parehong nakabatay sa batas ang nasabing umento.
Ang isang porsiyentong umento (magiging 13 porsiyento ang primyum (4.5% hulog ng manggagawa at 8.5% hulog ng negosyante) mula sa umiiral na 12% (4% hulog ng manggagawa at 8% (ng negosyante) ay nakasaad sa Republic Act 11199, samantalang ang pagtaas naman sa buwanang bayad sa PhilHealth na tatlong porsisyentong primyum mula sa umiiral na 2.75% ay nakatuntong naman sa Republic Act 11223, o Universal Health Care Act.
Noong 2018 naging batas ang R.A. 11199 at noong 2019 naman ang R.A. 11223.
Ang layunin ng umento sa SSS ay upang mapahaba ang tinatawag na “actuarial life” ng pondo ng SSS na siyang pinagkukunan ng mga perang inuutang ng mga miyembro nito at buwanang pensiyon ng mga retiradong manggagawa at kasapian nito.
Ito namang dagdag hulog sa PhilHealth ay magsisilbing pondo para sa implementasyon ng UHC Act.
Ngunit, nanawagan ang maraming organisasyon at unyon ng mga manggagawa sa iba’t ibang panig ng bansa na “pansamantalang” itigil ng SSS at Philhealth ang karagdagang kontribusyon kada buwan dahil sa mga problemang kinakaharap ng mga manggagawa, o empleyado, sa pribadong sa mga kumpanya hinggil sa napakababang sahod, mga manggagawang nawalan ng trabaho at ang ‘pakikipagsapalaran’ ng mga negosyanteng pasok sa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) dulot ng pandemyang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Isa sa mga organisasyon ng mga manggagawa na tutol sa umento ay ang NAGKAISA Labor Coalition.
Panawagan ng NAGKAISA sa Kongreso ay kagyat na maglabas ng joint resolution ang Senado at Kamara de Representantes upang mapatigil ang umento.
Dapat makinig ang mga senador at kongresista sa NAGKAISA dahil ito ngayon ang pinakamalaking alyansa ng mga unyon at pederasyon ng mga manggagawa mula Luzon hanggang Mindanao.
Mahigit 42 ang mga unyon at pederasyon ang kasapi ng NAGKAISA tulad ng Partido Manggagawa (PM), Federation of Free Workers (FFW) at Sentro ng Pagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SPPM) at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP).
Ibig sabihin, napakaraming manggagawa ang kabilang sa NAGKAISA.
Kaya, hindi dapat ito balewalain ng mga mambabatas.
Hindi dapat tablahin ng mga senador at kongresista ang lehitimong panawagan at karaingan ng mga manggagawa dahil sila ang pinakamalaking uri sa ating lipunan na kanilang pinangakuan noong nakaraang halalan na pagsilbihan habang kasapi sila ng Kongreso.
Ang totoo, pinangangakuan nila tuwing eleksyon ang mga manggagawa ng kung anu-anong pabor sa huli, ngunit kapag nanalo na ay bihirang-bihira nilang pakinggan ang hinaing ng mga manggagawa.
Kung matatagalan pang kumilos, o mag-uusap pa ang mga mambatatas, mainam kung kagyat nang aaksyon si Pangulong Rodrigo Duterte.
Siguradong mapapahinto ang desisyon ng pamunuan ng SSS at PhilHealth kung maglalabas si Duterte ng executive order (EO) laban sa dalawang ito.
Mas makabuluhan kung pagtutuunan ni Duterte ng kaukulang pansin at lulutasin ang suliranin ng mga manggagawa at mga negosyante kaysa magbasa siya ng listahan ng Presidential Anti-
Corruption Commission (PACC) ng mga korap na kongresista nang walang sapat, matibay, malakas at solidong katibayan.
Higit ding mahalaga ang pagpapatigil sa umento sa buwanang hulog sa SSS at PhilHealth kaysa payagan niyang bumili ang kanyang
administrasyon ng 25 milyong doses ng bakunang kontra – COVID na CoronaVac na gawa ng Sinovac Biotech ng China na maliban sa napakamahal ng presyo at 50 porsiyento lang ang bisa nito.
Syempre, higit ding importante ang panawagan ng NAGKAISA, ALU at TUCP kaysa paulit-ulit na ipagtanggol at saluhin si Doktor Francisco Duque III sa mga kontrobersiyal na nagaganap sa buhay ng pangunahing opisyal na ito ng Department of Health (DOH) at PhilHealth.
Kaya, nararapat lang na ipatigil na ni Pangulong Duterte ang pagtaas ng buwanang kontribusyon sa SSS at PhilHealth.
