WINASAK ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) katuwang ang PNP Drug Enforcement Unit at Bureau of Customs (BOC), ang nadiskubreng shabu laboratory, katabi ng isang kilalang drug store sa C3 Road, Caloocan City.
Ayon sa ulat na isinumite kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, isang kitchen type/small scale laboratory ang sinalakay ng kanilang mga tauhan katuwang ang PNP-NCRPO, sa C3 corner A. Mabini Street, Brgy. 23, Caloocan City, bandang alas-6:30 kamakalawa ng hapon.
Ayon naman kay P/MGen. Felipe Natividad, hepe ng National Capital Region Police Office, base sa isinagawang imbestigasyon, inilunsad ang joint anti-illegal drug operation base sa nakalap na mga impormasyon ng PDEA.
Sa pahayag ng PDEA, kayang makagawa ng tatlo hanggang limang kilo ng shabu kada araw sa ganitong kalaking shabu lab.
Sa loob ng naturang lab ay natagpuan ang mga drug paraphernalia at mga finish product na liquid shabu na nasa loob ng refrigerator.
Hinala ng mga awtoridad na may koneksyon ito sa nasabat na 231 kilo ng shabu sa Valenzuela City noong Martes. Wala namang naaresto sa isinagawang operasyon.
Sa ngayon ay patuloy pa ang imbestigasyon ng PDEA ukol dito. (JESSE KABEL)
455 