(NI NICK ECHEVARRIA)
TINUTUTUKAN ngayon ng Philippine National Police (PNP) sa isinasagawang case build-up ang ilang grupo na sangkot sa malawakang investment scams kabilang ang Kapa-Community Ministry International Inc. na nakabase sa Surigao del Sur.
Sa regular Monday press briefing sa Camp Crame, isiniwalat ni PNP chief General Oscar Albayalde, na nakalatag na ang mga gagawing police operations laban sa mga nabanggit na grupo sa linggong ito.
Sinabi ni Albayalde na mayroon na silang nagawang case build-up laban sa ilang mga inaakusahan, hindi lang aniya “Kapa” ang tinututukan nila dahil marami pang mga investment scams na nangyayari partikular sa Mindanao at sa mga rehiyon ng 8, 9, 10, 11, 12 at may direkta umanong kautusan sa kanila ang Malakanyang at ang DILG.
Nasa kabuuang 12 investment scam ang tinututukan ngayon ng PNP sa kanilang imbestigasyon.
“The PNP and NBI (National Bureau of Investigation) are working on it, and we have already made case build-up. Within the week, merong resulta yan,” pagtitiyak ni Albayalde.
Nitong Sabado ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PNP at National Bureau Investigation (NBI) na masusing imbestigahan at ipasara kung kinakailangan ang “Kapa” na nag-ooperate sa Southern Mindanao dahil sa malawakang investment scam nito na ikinukubli sa pamamagitan ng donasyon umano na may kaakibat namang 30 porsiyento kada buwan bilang tubo.
158