PINABA-BLACKLIST ni Senador Risa Hontiveros sa Department of Agriculture ang tatlong trading firms na isinasangkot sa umano’y “government-sponsored” sugar smuggling scandal.
Ito ay sa sandaling mapatunayang sangkot ang tatlo sa iregularidad.
Kasabay nito, muling umapela si Hontiveros na magsagawa na ng imbestigasyon ang Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa pinakahuling sugar import fiasco.
Sinabi ni Hontiveros na dapat maimbestigahan ang All Asian Countertrade Inc., Sucden Philippines Inc. at Edison Lee Marketing Corp. upang matukoy kung mayroon silang criminal liability hinggil sa sinasabing illegal importation ng tone-toneladang asukal sa bansa.
“Madaming tanong na kailangang masagot, lalo na pagdating sa pananagutan nitong tatlong kompanya na nakaambang solohin ang importation ng sugar supply ng bansa. Kung sangkot sila sa kapabayaan o anomalya, dapat ay agaran silang ilagay sa blacklist ng DA at sampahan ng kasong kriminal o administratibo,” saad ni Hontiveros.
Hinamon ni Hontiveros ang tatlong kumpanya na makipagtulungan sa imbestigasyon at ilabas sa publiko ang katotohanan kung naipit lang sila sa transaksyon.
Hinimok din ng senador ang mga opisyal ng gobyerno na ilabas din sa sambayanan kung mayroon mang mga hakbangin upang i-cover up ang anomang iregularidad.
Paalala ng mambabatas na 20 taon ang prescription period para sa mga krimen tulad ng agricultural smuggling na maituturing na mahabang panahon upang ilabas ang katotohanan.
Una nang ibinunyag ni Hontiveros ang mga dokumento para sa importasyon ng 450,000 metric tons ng asukal ng tatlong kumpanya kahit hindi pa nailalabas ang Sugar Order no. 6. (DANG SAMSON-GARCIA)
210