(NI DAHLIA S. ANIN)
SA susunod na Linggo ay magsisimula na ang ikatlong round ng polio vaccine drive sa lahat ng barangay sa lungsod ng Maynila, ayon sa anunsyo ng pamahalaang lungsod.
Magsisimula ito sa Nobyembre 25 hanggang Disyembre 7, ayon kay Manila Health Department (MHD) Chief Dr. Arnold Pangan.
Hindi lamang umano sa loob ng barangay hall isasagawa ang pagbabakuna kundi ang mga volunteers at field personnel ay magsasagawa rin ng house to house vaccine drive, dagdag pa ni Pangan.
Naglabas naman si Manila Barangay Bureau (MBB) Chief Romeo Bagay ng memorandum na nag-aatas sa mga Punong Barangay na paigtingin ang kampanya kontra polio. Hinihikayat din ni Bagay ang mga barangay chair na tiyaking mababakunahan ang 95% ng mga bata sa kanilang barangay.
Ayon sa datos ng MHD aabot sa 160,000 na bata o 81.6% na sa lungsod ng Maynila ang nabigyan ng bakuna matapos ang dalawang rounds ng synchronized immunization program.
169