ABS-CBN nakabitin pa sa alanganin PROVISIONAL FRANCHISE WALA PANG KATIYAKAN

WALA pang kasiguraduhan na babalik sa ere ang ABS-CBN kahit naipasa na ng mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang bigyan ang mga ito ng provisional authority (PA) hanggang Oktubre 31, 2020.

Noong Miyerkoles ay pinagtibay sa ikalawang pagbasa ang House Bill (HB) 6732 sa pamamagitan ng viva voce voting na naglalayong payagan ang ABS-CBN na mag-operate hanggang Oktubre 31.

Subalit, ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, hindi pa rin nakasisiguro na babalik na sa ere ang ABS-CBN sa lalong madaling panahon dahil kailangan pang ayunan ito ng Senado at aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“The approval of HB 6732 by the House of Representatives will not automatically restore the operations of ABS-CBN because the bill has to be enacted into law after the concurrence of the Senate and the approval of the President,” ani Lagman.

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na galit si Duterte sa ABS-CBN dahil hindi inere ng mga ito ang kanyang political ads noong panahon ng eleksyon at ito rin ang bukod tanging TV station na naglabas sa political ads ni dating Sen. Antonio Trillanes IV laban sa noo’y Mayor ng Davao City na panira sa kanyang presidential bid.

Nakalkal din ni Duterte ang P1.677 Billion utang ng pamilya Lopez, may-ari ng ABS-CBN, sa Development Bank of the Philippines (DBP) subalit hindi na ito pinabayaran sa kanila noong 2006.

Ang nasabing panukala ay inakda ng mga lider ng Kamara sa pangunguna ni House Speaker Alan Peter Cayetano at Deputy Speakers Neptali Gonzales II, Raneo Abu, Roberto Puno, Dan Fernandez, Luis Raymund Villafuerte at Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado.

Layon ng panukala na bigyan ng 5 buwang PA ang ABS-CBN habang dinidinig ang kanilang franchise renewal application na ayon sa impormante ng Saksi Ngayon ay tinututulan ng maraming grupo dahil pinaniniwalaang isa itong ‘mega franchise’. BERNARD TAGUINOD

137

Related posts

Leave a Comment