ABSENTEE VOTING SA PNP, ITINAKDA NG COMELEC

pnpcomelec12

(NI NICK ECHEVARRIA)

SASAMANTALAHIN ng Philippine National Police (PNP) ang tatlong araw na absentee voting na itinakda ng Commission on Elections (Comelec) para makaboto ang mga pulis nang hindi makasasagabal sa deployment ng kanilang buong puwersa at resources sa pagtiyak ng  seguridad sa mismong araw ng election.

Ang April 29, 30 at May 1, 2019 ang mga araw na napiling  isagawa ang absentee voting sa mga pulis na nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at sa headquarters sa Camp Crame.

Nakasaad sa section 2 ng Comelec Resolution No. 10443, na karapatan ng mga miyembro ng PNP na duly registered voters subalit pansamantalang itinalaga sa mga lugar na hindi naman sila rehistrado sa ngalan ng pagtupad sa kanilang tungkulin na makaboto sa ilalim ng absentee voting.

Ayon kay NCRPO Director M/Gen. Guillermo Eleazar, may mga pagkakataong hindi nakaboboto ang mga kapulisan dahil sa pangangalalaga sa election, kaya ipinaalala niya sa mga ito ang kahalagahan ng bawat boto, tulad ng boto ng isang pulis.

Sinabi ni Eleazar na totoong tungkulin ng mga pulis na pagsilbihan at protektahan ang kanilang mga kababayan para magamit ang karapatang bumoto, subalit may kahalintulad din na karapatan ang bawat pulis, partikular ang mga nagmula pa sa kanilang mga probinsiya.

Ngayong nakahanda na ang lahat para sa peaceful local midterm elections sa May 13, 2019, binigyang-diin ni Eleazar na tutugunan nila ang mataas na inaasahan ng publiko sa patuloy na pagpapatupad ng  gun ban sa pinalakas na mga checkpoint operations sa Metro Manila para pigilan ang mga may balak na manggulo.

Ang absentee voting sa PNP ay gaganapin sa mga  piling lugar tulad sa: Camp Crame Multi-purpose Hall, Quezon City; Malabon City Police Station; Eastern Police District Headquarters, Caruncho Ave.,Pasig City; Pateros Municipal Hall; Quezon City Police District Headquarters; at Regional Mobile Force Battalion Multipurpose Hall, Camp Bagong Diwa, Taguig City.

 

359

Related posts

Leave a Comment