AYUDA POLICY’ NI BBM SAPOL KAY VP SARA

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

MISTULANG patutsada sa administrasyong Marcos Jr. ang pahayag ni Vice President Sara Duterte kamakalawa na ‘good governance’ ang kailangan para umunlad ang bayan at hindi ayuda.

Sa isang panayam, sinabi ng Bise Presidente na good governance pa rin ang susi sa pag-unlad ng bansa at hindi ayuda ang solusyon sa problema ng mga tao.

“We (OVP) still believe and it is our platform and it is in our budget na ‘good governance is the key to nation-building.”

“Hindi nasosolusyunan ng ayuda ‘yung problema ng mga tao. Lalung-lalo na sa pang araw-araw, sa kawalan ng trabaho, at sa safety, security and well-being ng tao,” ani Duterte.

Kasabay nito, itinanggi niya na dumaan sa kanya ang mga dokumento kaugnay sa paggastos ng confidential fund dahil ito ay direkta aniyang isinusumite sa Commission on Audit (COA) ng kanilang special disbursing officer (SDO).

Tumanggi rin siyang magkomento kaugnay sa isang Mary Grace Piattos na tumanggap ng pera mula sa confidential funds ng OVP.

Ayon kay Duterte, hindi nila alam kung paano ang proseso sa pagbibigay ng kopya ng mga acknowledgment receipts na isinumite sa COA patungo sa House of Representatives.

Nauna rito, kinumpirma nina Zambales Rep. Jay Khonghun at La Union Paolo Ortega na magbibigay ang Kamara ng isang milyong piso para matagpuan si Piattos.

“Nag-usap-usap kami, boluntaryo na magbibigay kami ng pabuya na one million pesos kung sino mang makakapagsabi o makakapagbigay ng impormasyon kung sino si Mary Grace Piattos. Kami sa komite ng blue ribbon at sa Quad Committee nagboluntaryo kami na magproduce ng one million (pesos),” ani Khonghun.

Sa report ng Commission on Audit (COA) sa House committee on good government and public accountability o House blue ribbon committee, kabilang ang isang “Mary Grace Piattos” sa mga lumagda sa mga resibo sa ginastos na confidential fund ng OVP.

108

Related posts

Leave a Comment