BATAS SA PARTYLIST REREPASUHIN

(NI DANG SAMSON-GARCIA)

DAHIL sa sunud-sunod na mga kontrobersiya sa partylist, iginiit ni Senador Imee Marcos na napapanahon na upang amyendahan ang batas hinggil dito.

“Yes, I think we need to clarify, nagkaroon na tayo ng karanasan so importante talaga na makita ang nakalipas, matuto sa kapalpakan, at wag na maulit, palitan na natin yan I think we can do this by law,” saad ni Marcos.

Sa pagdinig ng pinamumunuan niyang Committee on Electoral Reforms nalantad ang mga isyu, lalo na ang mga sinasabing pang-aabuso sa partylist system na may mga pagkakataon na mismong sa loob ng partylist groups ay may mga alegasyon ng katiwalian.

Ngunit sinabi ni Marcos na naniniwala pa rin siya sa sistema dahil nagsisilbi itong daan para marinig ang boses ng lahat ng sektor sa lipunan, lalo na ng mga mahihirap.

Kabilang sa mga nagsilbing resource persons sa pagdinig ay si Comelec Commissioner Rowena Guanzon na naging kontrobersyal dahil sa kanyang mga posisyon ukol kay Ronald Cardema ng Duterte Youth at sa pagkakatalaga kay Mocha Uson bilang deputy administrator ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA.

Sa pananaw ni Guanzon, dapat isama sa one year ban sa pagtatalaga ang mga nominado ng partylist groups sa eleksyon.

Sinabi ni Marcos, isa sa maaring unang gawin ay tiyakin na lehitimo ang grupo at mga miyembro.

“Eh hindi ba galit na galit mismo si President Duterte, tigilan daw ang pag-aabuso sa partylist system na halos ibinebenta na lamang ang organisasyon at puro bilyonaryo ang nakaupo mga kamag-anak din ng pulitiko, big business interest, lahat galit yata pati security forces natin sabi naging front organization ng mga rebelde so ito ang ating problema kung paano isaayos,” saad ni Marcos.

“Ito nga marami silang suggestion, sabi nila i-require ang SALN, sabi nila in existence for three years, member ng three years, active member, nag-aattend ng general assembly tapos maliwanag yung nga programa at plan at marami nang nagawa ang partylist na yun kumbaga ang advocacy nila hindi lang satsat, ginagampanan nila tapos. May draft bill na sila halimbawa,” diin pa ng senador.

 

402

Related posts

Leave a Comment