(ROSE PULGAR)
NAG-ABISO ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga kababayang overseas Filipino workers na nasa Hongkong na posibleng makansela ang kanilang mga permit o visa doon sa oras na mahuling nakikiisa sa mga demonstrasyon doon.
Ayon kay Consulate General Antonio Morales dapat umanong iwasan ng Pinoy workers doon ang paglahok sa mga kilos protesta sa Hongkong.
Sinabi ni Morales na sa sandaling mahuli sila at mapatunayang nakikilahok sa mga kilos protesta ay maaaring kanselahin o i-revoke ng Hongkong government ang kanilang mga hawak na permit o visa.
Gayunman, binanggit pa ni Morales na bagaman karapatan ng ating mga kababayan na ilabas ang kanilang mga saloobin ay pinapayuhan ng opisyal na iwasan ang paglahok at pagsasagawa ng mga kilos protesta sa nasabing bansa.
Mabigat aniya ang magiging kaparusahan ng gobyerno sa mapatutunayang kabilang at kalahok sa mga pagkilos doon laban sa gobyerno ng Hongkong na magiging daan upang kanselahin at bawiin ang kanilang mga hawak na visa.
160