(NI BERNARD TAGUINOD)
SA halip mababawasan, lalo pang dumami ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na nabibiktima ng Human Immunodeficiency Virus (HIV).
Ito ang nabatid kay House deputy minority leader John Bertiz matapos umabot sa 88 OFWs ang natuklasang mayrong HIV noong Pebrero 2019 o mas mataas ng 22% kumpara sa 72 na nairekord noong Pebrero 2018.
“The February cases brought to 6,433 the cumulative number of OFWs found living with HIV since the government began passive surveillance of the virus in 1984,”anang mambabatas.
Mula taong 1984, umaabot na sa 64,291 Filipino na ang mayroong HIV na nairekord ng National HIV/AIDS Registry ng Department of Health (DoH). Sa naturang bilang, 10% sa mga ito ay OFWs.
Nabatid na hindi bababa sa 5 taon na nagtatrabaho bilang land based o sea based ang mga biktima ng sakit.
Sa 6,433 na ito, 86% o 5,553 ay mga lalake na 32-anyos pababa habang 880 ang mga babae na ang edad ay nasa 34-anyos pababa.
Lumalabas na sa mga lalaking OFWs na mayroong HIV, 72% o 2,328 sa mga ito ay natuklasan na nahawa sa HIV sa pakikipatalik sa kapwa lalake habang ang natitirang 1,674 ay nakipagtalik sa lalake at babae.
Umaasa ang mambabatas na tutulungan ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang mga OFWs na mayroong HIV tulad ng itinakda sa bagong batas sa kampanya laban sa HIV.
“Under the law, the economic, social and medical support is to be extended to all OFWs, regardless of employment status and stage in the migration process,” ayon pa sa kongresista.
Maliban dito, kailangan aniyang paigtingin pa ng ahensya ang kampanya o information campaign sa hanay ng OFWs laban sa HIV upang maturuan ang mga ito sa pag-iwas sa nasabing sakit patungo sa Acquired Immuno Deficiency Syndrome (AIDS) na hanggang ngayon ay wala pang natutuklasang gamot.
267