(NI JEDI PIA REYES)
HINAMON ni dating National Youth Commission chair Ronald Cardema si Comelec Commissioner Rowena Guanzon na maipasailalim sa forensic exam ng kanilang mga cellphone patungkol sa umano’y pagbabanta sa huli.
Sinabi ni Cardema na handa siyang isumite sa National Bureau of Investigation (NBI) ang kanyang cellphone at dapat ay ganito rin ang gawin ni Guanzon.
“I challenge you, Guanzon, ipakita mo ang messages ng threat,” ani Cardema.
“Magpa-forensic tayo ng telepono, Ma’am,” dagdag pa nito.
Naninindigan si Cardema na hindi nito binantaan si Guanzon at hindi rin umano sila nagpapakalat ng negatibong mga pahayag laban sa opisyal ng Comelec.
“Wala kayong makikita rito na nag-message ako sa kapwa Duterte Youth na nagsasabi kami ng masama about you, napaka-respectful namin,” pahayag pa ni Cardema.
Nauna na ring ipinahayag ni Cardema na wala na itong pakialam kung makakuha man ng upuan ang Duterte Youth sa Kamara pero nais nitong ibunyag ang paghawak umano ni Guanzon sa kanilang leeg simula pa noong Enero patungkol sa pag-accredit sa partylist group.
“Wala na kong pakialam sa seats namin sa Congress, basta ang sinasabi ko, hawak kami sa leeg since January hanggang ngayon at pinapalabas n’ya sa buong bansa, s’ya ang bida, s’ya ang inaapi… Pero mapo-prove ko sa mga screenshot ko na habang sinasabi n’yang tine-threaten namin s’ya, nagmamakaawa kami sa kanya,” giit nito.
Balak na rin ni Cardema na maghain ng impeachment complaint laban kay Guanzon at nakatitiyak ito sa kanilang ebidensya laban sa Comelec Commissioner.
136